MPBL, KASADO NA PARA SA LAKANDULA CUP 3RD SEASON

PAGKATAPOS ng dalawang matagumpay na taon, ipinagtibay muli ng grupo ni Sen. Manny Pacquiao ang pakikipagkaisa ng liga para sa paghahatid ng ikatlong season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na lalarga sa Hunyo 12 sa isang TV network.
“Narinig namin ang kahilingan ng Pinoy basketball fans. Dadalhin natin ang aksiyon sa MPBL sa mas maraming Pilipino sa free TV, cable at online. Pati ‘yung mga nasa ibayong dagat, masusundan at masusuportahan na ang kanilang mga koponan sa pamamagitan ng TFC,” sabi ni ABS-CBN Sports head Dino Laurena.
Nasaksihan sa nakalipas na mga taon ang pag-angat ng tinaguriang “Liga Ng Bawat Pilipino,” na ibinibida ang iba’t-ibang lugar sa Pilipinas at binibigyan ng pagkakataon ang mga bagong talento sa basketball.
Laging dinadagsa ang mga laro nito dahil sa mga nais suportahan ang kanilang mga pambato.
Sa bisa ng pinirmahang kasunduan ng chairman at founder ng MPBL na si Sen. Pacquiao, ABS-CBN Sports LOB lead March Ventosa, Laurena, MPBL president Zaldy Realubit at MPBL commissioner Kenneth Duremdes noong Mayo 30, mapapanood na rin ang mga laban sa iba pang plataporma ng network.
Simula sa paparating na MPBL Lakandula Cup, ipapalabas na rin ang mga laro sa MPBL sa LIGA at LIGA HD sa cable, bukod sa S+A at S+A HD dahil pagkatapos lamang ng isang taon, lumobo ang MPBL sa 26 teams mula 10 lang.
Sa MPBL Lakandula Cup, aabot na sa 30 ang koponang kasali, kabilang ang mga bagong salta mula sa Nueva Ecija, Bicol at Mindoro mula Luzon, Iloilo para sa Visayas at Sarangani mula sa Mindanao.





Comments