Unang araw ng pasukan nag-rally, mga guro kay P-Digong: PANGAKONG DAGDAG-SAHOD, NASAAN NA?!

KASABAY ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, nanawagan sa gobyerno ang isang grupo na taasan ang sahod ng mga guro.
Sa protestang idinaos kahapon sa Mendiola, Maynila, hiniling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na taasan ang sahod ng mga guro sa lalong madaling panahon dahil isa umano ito sa mga pangakong paulit-ulit na hindi natutupad ng gobyerno.
Ayon sa mga miyembro ng ACT, dapat itaas sa 16,000 kada buwan ang starting salary ng mga Salary Grade 1 Teacher, P30,000 sa mga Teacher 1 at P31,000 sa mga Instructor 1.
Sa kasalukuyan, nasa P20,754 ang sahod ng Teacher 1 na hindi umano sapat para buhayin ang kanilang mga pamilya.
Bagaman, may inilalaan ding P3,500 pondo ang gobyerno para sa instructional materials, marami pa ring guro ang kumukuha umano sa sariling pera ng pambili ng mga kagamitan sa silid-aralan.
Samantala, nilinaw ng Malacañang na hindi isinasawalambahala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging pangako nito kaugnay sa salary increase.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, binigyan na ng direktiba ng pangulo ang kanyang economic managers upang humanap ng paraan kung paano mapopondohan ang may 800,000 public school teachers.
Hindi umano nakakalimutan ng pangulo ang ipinangako nito sa mga guro at kailangan lamang aniyang unahing taasan ang sahod ng mga pulis at sundalo dahil sila ang frontliners at tagapagtanggol ng bansa.





Comments