top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

ROTC sa mga estudyante ng senior high school, aprub!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 4, 2019
2 min read

MAHALAGANG matuto ng tamang disip­lina habang bata pa lamang dahil isa ito sa base­han ng tagumpay hindi lang sa personal na ad­hikain sa buhay kundi maging sa pagpapaun­lad ng ating bansa.

Bilang nakatatanda sa kasalukuyang hene­rasyon, obligasyon natin sa kabataan na gaba­yan at tulungan silang maging handa, respon­sable at mapagmalasakit sa kalagayan ng bansa, lalo na sa oras ng mga pagsubok.

Ang pagpapanumbalik ng Mandatory Basic ROTC program ay daan upang maitanim ang di­siplinang ito sa kabataang mag-aaral sa pa­mamagitan ng pagpapatibay ng mga katangian tulad ng pagiging mabuting lider, pakikipag­kapwa-tao at sakripisyo tungo sa iisang layu­nin.

Kaya naman bilang vice-chairman ng Senate Committee on Education, Arts, and Culture at miyembro ng Committee on National Defense and Security, hangad nating maisabatas ang Senate Bill No. 2232 o Senior High School Reserve Officers Training Corps (ROTC) Act.

Sa nasabing panukala, layon nito na gawing mandatory ang ROTC program sa lahat ng Grades 11 at 12 students mula sa mga pam­publiko at pribadong paaralan.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang mga estudyante ng kaukulang paghahanda upang tumugon sa anumang panawagan na magling­kod tulad ng mga disaster response operation, search, rescue at relief operation, early recovery activity at iba pa.

Walang dapat ipag-alala dahil mahigpit na bibigyan ng proteksiyon ang mga estudyante at sisiguraduhing hindi na mauulit ang mga nangyaring insidente noon tulad ng hazing, pang-aabuso, pananamantala, diskriminasyon, panunuhol at korupsiyon.

Sisiguraduhin din na sasailalim sa capacity development at enhancement program ang mga nagtuturo ng ROTC kung saan magkakaroon sila ng mga pagsasanay tungkol sa gender and child-sensitivity issues upang matiyak ang ka­nilang wastong pagtugon sa anumang sensi­tibong sitwasyon na dumating.

Nakasaad din sa panukala na kung nais mag-volunteer para sa advance training, sila ay ma­aaring maging kuwalipikado sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bu­reau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Bukod dito, libre rin ang kanilang pagpa­pa­ospital kung may mangyari mang aksidente o emergency habang nasa training ang estud­yante.

Naniniwala tayong napapanahon na ang pagpapanatili ng disiplina, pagmamahal sa bayan, kahandaan sa kalamidad at ang basic military at officers’ training sa ating mga mag-aaral para sa ikabubuti ng sarili at ng bayan.

Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at pagsasanay, matuturuan ang kabataan na mag­pahalaga sa sariling bayan at magkaroon ng personal na hangaring makapagsilbi sa kapwa gaanuman kahirap at kalaki ang suliranin na maaari nating kaharapin.

Noong 2016 pa natin isinumite ang Senate Bill No. 200 o Mandatory Military and Civic Reserve Officers’ Training Corps sa lahat ng kolehiyo, unibersidad at technical-vocational institutions.

Lubos nating sinusuportahan ang pagpa­pa­tupad ng adhikaing ito dahil makapangya­rihan at epektibong paraan ito sa pagiging makabayan sa murang edad pa lamang.

Sa kabataan, kayo ay kailangan ng Inang Bayan sa kanyang pagsulong tungo sa kaun­laran at pagharap sa mga hamon ng kina­bukasan.

Hinihikayat kayong gamitin ang in­yong lakas bilang kolektibong puwersa upang dalhin ang bayan tungo sa itinadhana nitong kada­kilaan.

Inaasahan natin ang mabilis na pagsasa­batas ng panukalang ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page