Mga lider ng bansa, dapat maging mabuting halimbawa, period!

NOONG Ika-31 ng Mayo, 2004, 15 taon na ang nakalilipas, sinamahan ko ang kapatid kong si Vincent P. Reyes sa Regional Trial Court ng Makati upang maghain ng reklamo laban sa kumpanya ng sigarilyo. Malubha ang kanser sa baga ng aking kapatid at nagkasundo kaming ireklamo ang pinsalang idinulot sa kanya ng sigarilyo. Hindi nagdalawang-isip ang aking kapatid nang iminungkahi ko sa kanya ang hakbang na ito.
Bagama’t, alam niyang may taning na ang kanyang buhay, nais niyang makatulong sa iba at mailigtas sa kapahamakan kung maririnig nila ang kuwento ng aking kapatid.
Tumaas ang ‘sin tax’ o ang buwis na sinisingil ng pamahalaan sa sigarilyo ngunit, napakarami pa rin ang tila nagugutom dito. Namatay na ang aking kapatid ngunit, hindi pa rin namamatay ang problema sa yosi.
Matatandaang, sinabi kamakailan ng pangulo sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Japan, “I will kill any problem that will affect your work in my country.” Hindi natin alam kung matutuwa o mababahala ba tayo sa muling paggamit niya ng mga salitang “papatayin ko”. Ganito rin ang kanyang sinabi tungkol sa iligal na droga, sa matinding trapik sa EDSA, pero ano ang nangyari sa mga pinagsasasabi ng pangulo?
Naglalakad tayo noong isang araw nang makasalubong natin ang kilalang mayor. Nagbatian kaming dalawa at binati rin natin ang sigarilyong nasa pagitan ng kanyang dalawang daliri. Naitanong pa natin, “Mayor, alam ba ninyo kung ano ang ipinagdiriwang tuwing ika-31 ng Mayo?” Nag-isip ang mayor ngunit, walang naisagot. “World No to Tobacco Day po ngayon,” sagot natin. Nakiusap tayong tingnan ang kanyang yosi. Inilabas niya ito at inabot ko. Sinulatan ko ang harapan ng kaha ng sigarilyo, ‘I will try my best to stop this toxic habit, asap’. Pinabasa natin sa mayor ang ating isinulat sa kaha ng sigarilyo at pinapirmahan ko. Pumirma naman siya at sinabihan natin siya na ingatan niya ang kaha ng sigarilyo na mayroong pangako at pirma niya. Tumawa ang mayor at sinabihan ako, “Hindi ko pangako ‘yan. Ikaw ang nagsulat niyan.” Nagtawanan lamang kami at naghiwalay.
Nagyoyosi si mayor, babaero si kong, madyongera si mayora, sabungero si hepe, nambubugbog ng asawa si gob at mahilig sa whisky si senador. Malaya silang gamitin ang kanilang pera at oras para sa kani-kanilang bisyo ngunit, sila ay mga lider ng taumbayan at inaasahang magbibigay sa atin ng mabuting halimbawa.
Kaya bang patayin ang problema ng politika, ang isyu ng traditional politics (trapo), tila walang kamatayang political dynasties? Ang korupsiyon, kaya ba itong puksain?
Noong nagkaroon ng kanser ang aking kapatid. Tinulungan nating siyang humanap ng kanyang ikagagaling. Mahigit apat na taon natin itong ginawa, sa kasamaang-palad ay namatay pa rin siya. Hindi ito madali ngunit, sa halip na panghinaan tayo ng loob ay hindi tayo tumigil na magmahal, inalalayan at tinulungan natin siya.





Comments