Maayos na paradahan, kailangan sa lahat ng eskuwelahan!
- Ryan B. Sison
- Jun 4, 2019
- 1 min read

SA isinagawang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga sasakyang iligal na nakaparada sa palibot ng mga paaralan, ilang sasakyan ang nasampulan kung saan ipinahatak ang mga ito nang sa gayun sila ay matauhan.
Gayunman, marami sa mga paaralan, ang walang maayos na paradahan na isa rin sa nakikita nating problema kaya nagkakaroon ng matinding trapik sa kalsada.
Kaya ngayong may mga nasampulan na, obligahin din sana natin ang mga paaralan na maglagay ng paradahan para sa pamilyang gumagamit ng sasakyang pangsundo sa kanilang mga anak o para sa mga school service.
Samantala, nag-operate rin ang MMDA at Land Transportation Office (LTO) laban sa mga tricycle na bumibiyahe at ginagamit na school service.
Ito ay matapos mahuli ang ilang tricycle drivers dahil lagpas sa apat na pasahero ang sakay ng mga ito kung saan may nagsasakay sa kanila nang hanggang pitong estudyante na talagang delikado at takaw-aksidente.
Marahil, may mga magulang ang hindi nakaaalam sa ganitong senaryo, kaya ang panawagan para sa lahat, palagi ninyong siguraduhin ang kaligtasan ng inyong mga anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments