top of page
Pokwang.jpg

Akusasyon ng serious misconduct at pansamantalang pagsuspinde sa pribadong empleyado

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 4, 2019
3 min read

Dear Chief Acosta,

Ang pinsan ko ay nagtatrabaho bilang drayber sa pribadong kumpanya. Nagkaroon siya ng hindi pagkakaintindihan sa kanyang “bisor” dahil lamang sa maling pagkakaintindi niya sa kanilang schedule ng pagpasok. Ginawa kasi silang by shifting at dahil may edad na rin ang pinsan ko ay hindi niya lubusang naunawaan ang naturang shifting. Sinubukan niyang magpaliwanag subalit, hindi siya pinakinggan, bagkus ay binigyan siya ng memo na inaakusahan siya ng serious misconduct at nakasaad din doon na pansamantala siyang sinuspinde sa trabaho habang pinag-aaralan ang paratang sa kanya. Nais lamang naming malaman kung maaari bang makasuhan ang empleyado para sa serious misconduct, gayundin, maaari ba siyang masuspinde kaugnay nito? Sana ay mapaliwanagan ninyo kami tungkol dito. — Reymar

Dear Reymar,

Ang pribadong manggagawa ay maaaring tanggalin ng kanyang employer sa trabaho kung mayroong makatarungang dahilan sa pagtatanggal at isa na rito ay ang malubhang maling gawain ng manggagawa. Nakasaad sa ilalim ng ating Labor Code:

“ART. 297 [282]. TERMINATION BY EMPLOYER. – An employer may terminate an employment for any of the following causes:

(a) Serious misconduct or willful disobedience by the employee of the lawful orders of his employer or representative in connection with his work; x x x” (Binigyang-diin)

Subalit, nais nating bigyang-diin na ang naging kilos, akto o maling gawain ng manggagawa ay dapat mayroong kaugnayan sa kanyang tungkulin at ito ay sadyang malubha na umaabot sa puntong hindi na siya nararapat sa posisyon na kanyang hinahawakan. Ayon sa Korte Suprema:

“x x x The misconduct, to be serious within the meaning of the Labor Code, must be of such a grave and aggravated character and not merely trivial or unimportant. Thus, for misconduct or improper behavior to be a just cause for dismissal, (a) it must be serious; (b) it must relate to the performance of the employee’s duties; and (c) it must show that the employee has become unfit to continue working for the employer” (Maula vs. Ximex Delivery Express, Inc., G.R. No. 207838, January 25, 2017, Ponente: Honorable Associate Justice Diosdado M. Peralta).

Sa sitwasyon na ibinahagi mo, maaaring legal na matanggal ang manggagawa tulad ng iyong pinsan kung ang kanyang akto ay napapaloob sa depinisyon ng serious misconduct na nabanggit sa itaas.

Sa aspeto naman ng pansamantalang pagsususpinde ng manggagawa, ito ay pinapayagan ng batas kung ang patuloy na paglilingkod ng naturang manggagawa ay maaaring magbunsod ng kapahamakan sa kanyang employer o sa kanyang mga katrabaho. Subalit, kung wala o hindi mapatunayan na magbubunsod ng nasabing kapahamakan ay hindi siya dapat suspendihin kaya ganito dapat ang maging panuntunan sa sitwasyon ng iyong pinsan. Sa parehong desisyon ng Korte Suprema sa kasong Maula vs. Ximex Delivery Express, Inc. (Id.), ipinaliwanag ng kataas-taasang hukuman:

“Preventive suspension may be legally imposed against an employee whose alleged violation is the subject of an investigation. The purpose of suspension is to prevent-harm or injury to the company as well as to fellow employees. The pertinent rules dealing with preventive suspension are found in Sections 8 and 9 of Rule XXIII, Book V of the Omnibus Rules Implementing the Labor Code, x x x

◘◘◘

As succinctly stated above, preventive suspension is justified where the employee’s continued employment poses a serious and imminent threat to the life or property of the employer or of the employee’s co-workers. Without this kind of threat, preventive suspension is not proper. x x x” (Binigyang-diin)

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page