Smartmatic, sagad na sa kapalpakan | Botohan at bilangan, ibalik sa manual

KAHIT sabihin pa nating ‘independent constitutional body’ ang Commission on Elections (Comelec) dapat nakikinig pa rin ito sa sinasabi ng taumbayan.
Sigurado tayong mayorya ng botanteng Pilipino ay wala nang tiwala sa Smartmatic na nagpapatakbo ng mga automated vote counting machine (VCM) ng Comelec.
Napakaraming problemang idinulot ng Smartmatic sa mga nakalipas na eleksiyon tulad ng kontrobersiyang paggalaw daw nila sa mga computer sa nakalipas na eleksiyon noong 2016 kung saan bigla raw nawala ang 1 milyong boto ni “Bongbong” Marcos sa pagka-bise-presidente.
Nitong katatapos na eleksiyon, may nasirang mga VCM at iba’t ibang delay sa pag-transmit ng mga resulta ng botohan.
Ayon naman sa dilawan na kulelat noong eleksiyon, sila naman daw ang nadaya, ganu’n ba o sadyang kaunti lang ang bumoto sa laos na Partido Liberal at pambato nitong Otso Diretso? Ayaw na sa inyo ng mga tao, mag-give-up na kayo!
Ito ang mahalagang punto kaya dapat tanggalin na ang Smartmatic bilang service provider ng Comelec dahil wala nang tiwala ang taumbayan sa banyagang kumpanyang ito.
Sa Venezuela nakabase ang Smartmatic, ang chairman nito ay si Lord Malloch Brown na dating media adviser ni ex-P-Cory. Nakita na ninyo ang dilawang koneksiyon ng Smartmatic?
Samantala, ang tanong pa ng mga talunan, kung palpak daw ang Smartmatic, bakit daw nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 Presidential Elections?
Ang sagot, nanalo si Pangulong Duterte dahil ‘overwhelming’ ang boto sa kanya ng mga tao. Anumang pandaraya ang kanilang gawin ay hindi nila matanggal sa primerong puwesto ang pangulo.
Sabi nga nila, mahigit 3 milyon daw ang nawalang boto ni Pangulong Duterte, pero nanalo pa rin ito, salamat sa sobra-sobrang pagmamahal sa kanya ng taumbayan.
Pero, paano kung mahigpit ang labanan tulad sa puwesto ng bise-presidente kung saan tatlo ang nangunguna kabilang sina “Bongbong” Marcos, VP Leni Robredo at Alan Peter Cayetano?
Sa “close race” tulad nito, importanteng bawat boto ay nabibilang. Dito nakalulusot ang mga mandaraya dahil mas madali nilang napababago ang mga boto kung kaunti lang ang “gagalawin” para hindi halata.
Sa labanan sa pagitan nina Marcos at Robredo, 200,000 boto lang ang pinagtalunan. Maliit ito kung iisipin na 62 milyon ang registered voters sa Pilipinas.
Kaya may pending pa rin na election protest si “Bongbong” sa Korte Suprema, pero sa kasamaang-palad, hindi umusad ang kaso dahil diumano sa pagka-biased ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ng Presidential Electoral Tribunal na appointee ni ex-P-Noy.
Dapat makinig ang Comelec sa abiso ni Pangulong Duterte na ilaglag na ang Smartmatic bilang service provider tuwing eleksiyon.
Ayon sa pangulo, hindi niya puwedeng utusan ang Comelec dahil constitutional body ito. Inudyok na lang niya ang opisyales nitong maghanap ng kapalit, bagong kumpanya na walang kaso ng fraud at malinis ang reputasyon.
Tatlong taon pa bago ang susunod na eleksiyon kaya may panahon pa ang Comelec na magpa-bid para sa bagong provider.
Ibasura na natin ang Smartmatic, masyado nang malaki ang kanilang kinikita kapalit ng palpak na serbisyo nito sa taumbayan.
Gayunman, dapat pag-isipan ng mga mambabatas ang posibleng pag-amyenda ng Automated Election Law.
Dapat baguhin ang batas para may computerized system, manual voting at canvassing.
Hybrid, ‘ika nga, ito ang ginagawa sa ibang bansa, partikular sa Europa na umalis na rin sa automated system na hindi mapagkatiwalaan.
Maaari tayong bumalik sa manual system ng pagboto at pagbilang sa mga presinto. Sa ganitong paraan, maaaring makita ng sinuman ang aktuwal na pagbilang ng boto.
Ang sumatutal ng mga boto ay maaaring maipadala sa pamamagitan ng simpleng electronic system.
Mas matrabaho ito ngunit, mas magkakaroon ng kumpiyansa ang mga tao sa ganitong simpleng sistema. Iba rin kapag nakikita ng kanilang sariling mga mata na binibilang ang boto.
Isa pa, kahit ang mga kandidato ay makakampante na hindi sila nadedehado.
Sana ay makinig ang opisyales ng Comelec sa hinaing natin laban sa Smartmatic. Marumi ang reputasyon ng Smartmatic kaya sa mga commissioner d’yan, kumilos naman kayo!





Comments