Medical assistance na handog ng PCUP, ayos!
- BULGAR

- Jun 3, 2019
- 2 min read

HINDI lamang ang tatlong priority programs ang handog ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) para sa maralita.
Dahil maliban sa livelihood assistance at tulong sa demolisyon at eviction ay mayroon ding mga mag-i-inquire sa ating tanggapan tungkol sa mga medical assistance na isinasagawa ng komisyon.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Gusto sana namin humingi ng tulong kasi marami sa aming komunidad sa Laguna ang nangangailangan ng medical attention. Paano ba kami matutulungan ng PCUP? — KC
Sagot
Magandang araw, KC. Maaari kayong matulungan ng komisyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng PCUP Health representative sa inyong lugar upang kilatising mabuti ang medical assistance na kailangan ng inyong komunidad.
Matapos nito ay isasangguni ang mga indibidwal na nangangailangan ng libreng konsultasyon, pagpapaospital o mga gamot sa ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang medical sponsors upang mapabilis ang pagsasagawa ng kinakailangang medical mission sa komunidad.
Sa katanuyan, kamakailan lamang, muli ay mayroon tayong mga kababayang nairekomenda at nabigyan ng libreng eye operation sa pamamagitan ng isang pribadong foundation.
Hindi lamang dito nagtatapos ang assistance na puwedeng ibigay ng komisyon dahil binibigyan din natin ng importansiya ang pagpapanatili ng de-kalidad na kalusugan sa ating komunidad. Nagbibigay din ang PCUP ng trainings at orientations hinggil sa health care delivery ng pamahalaan.
Makaaasa kayo na ang PCUP ay magsisilbing tulay ng mga maralitang Pilipino para sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno tungo sa kaunlaran.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments