Sobrang pagpapasikat sa socmed, 'di nakakatuwa
- BULGAR
- Jun 2, 2019
- 2 min read
KUNG anu-ano na lang talaga ang gagawin ng tao para sumikat sa social media. Tulad na lamang ng nag-viral na video, kamakailan. Ano kaya ang nasaisip ng lalaking nagmamaneho habang nakasakay sa passenger’s seat at nagawa pang magsindi ng sigarilyo?
Sa video, makikita rin na tinanggal niya ang manibela habang pinaandar ang sasakyan. Anong gusto niyang palabasin? Para saan ‘yun, para sumikat?
Hindi kaya kulang sa pansin ang taong ito o ipinagmamalaki niyang magaling siyang magmaneho? Hindi ba niya naisip na makikita o malalaman ng Land Transportation Office (LTO) ang kanyang ginawa?
Kaya naman nang makita, hindi natuwa ang ahensiya. Ayon sa ulat, babawiin ang kanyang drivers’ license at panghabambuhay na itong hindi makatatanggap ng nasabing lisensiya.
Dapat lang, sana, ipatupad ito ng LTO at huwag nang makinig pa sa anumang paliwanag at pagmamakaawa ng lalaki sa video dahil sa anumang anggulo, mali ang kanyang nagawa. Inilagay niya sa peligro hindi lamang ang kanyang buhay kundi maging ang buhay ng iba pang motorista at tao sa paligid niya.
Sa totoo lang, walang kahanga-hanga sa kanyang ipinakita, bagkus, ipinakita niya ang hindi magandang resulta ng kanyang kayabangan at kung gaano siya kahinang mag-isip.
◘◘◘
Ayon sa ulat ng Commission on Audit of the Philippines (COA), mula sa P36.92 milyon, P10, 000 pa lang ang naipamahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang donasyon para sa mga apektado ng giyera sa Marawi City.
Dalawang taon na ang lumipas nang maganap ang giyera sa Marawi kung saan malawak ang pinsala nito at libu-libo ang apektado.
Ayon pa sa ulat, P10K umano ang ibibigay sa mga namatay habang P5K para sa mga nasaktan. Kaya lumalabas na sa loob ng dalawang taon, isang biktima pa lang ang nabigyan ng tulong. Hindi rin daw nagamit at napakinabangan ng tama ang mga donasyon kung hindi rin naibigay agad, malamang na ang dahilan ay ang dami ng dokumentong kinakailangang ipakita para makuha ang tulong. Wala rin daw inilabas ang Office of Civil Defense na tulong para sa rehabilitasyon, pagbangon at pagtatayong muli ng mga imprastruktura sa Marawi.
Hindi matapus-tapos ang paghihirap ng mamamayan, pero tila walang nagrereklamo. Walang matunog na pagbatikos, bakit kaya?
Comentários