top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Tapos na ang halalan, tuloy ang buhay at paggawa ng mabuti at tama

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 1, 2019
2 min read

“KAUNTING panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita at pagkaraan ng kaunting panahon pa, ako’y inyong makikitang muli.” (Juan 16:16 ff)

Malungkot ang tono ng mga salitang ito na mula sa bibig ng ating Panginoon. Hindi ito maunawaan ng mga disipulo ni Kristo kaya nagtanungan sila, “ano kaya ang ibig Niyang sabihin?” Bago ito sabihin ni Kristo, sinabihan niya ng ganito ang kanyang mga disipulo, “marami pa Akong sasa­bi­hin sa inyo, ngunit, hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan.” (Juan 16: 12-13) Hindi nila maunawaan ang maraming sinasabi at ginagawa ni Kristo, lubha silang nahihirapang unawain ang mga ito. Hindi ba, ganito ang nararamdaman ng marami sa mga panahong ito? Napakaraming nangya­yari na nag-iiwan ng paulit-ulit na tanong, ano ang gustong mangyari ng Diyos? Ano ang gusto Niyang gawin natin? Ano ang binabago Niya na hindi natin nakikita at nauunawaan?

Nalalapit na ang pag-akyat ni Kristo sa langit. Ito ang pistang ating ipagdiriwang bukas, ang Pista ng Pag-akyat ng Panginoong HesuKristo sa langit.

Hindi natin nakikita at nahahawakan si Kristo ngayon, ngunit, hindi ito nangangahulugang wala Siya sa ating piling at hindi Siya kumikilos na kasama natin. Marami ang nagsasabing, hindi nila makita ang Diyos sa mga nangyayari ngayon sapagkat bagsak, lugmok, pagod at nanghihina ang marami dahil sa resulta ng katatapos lang na eleksiyon.

Tila ganito rin ang naramdaman ng marami noong namatay si Kristo sa krus. Nasaktan at nasiraan sila ng loob, ngunit, hindi sa krus nagtatapos ang istorya. Pagkaraan ng tatlong araw, nabuksan ang pintuan ng Kanyang libingan at muling nabuhay ang kanilang ipinako sa krus.

Nahihirapan ang marami na makita ang liwanag sa pagkalat ng malawak at makapal na kadiliman. Nahihirapan ang marami na magtiwala sa walang hang­gang kapangyarihan ng Diyos na pawiin ang kadiliman at talunin ang kasamaan, ngunit, marunong ba tayong tumingin at kumilatis sa mga nangyayari sa kapaligiran?

Hindi pinabayaan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo na tila nawawalan ng pag-asa. Inihanda, iminulat at pinalakas Niya ang mga ito para sa mahalaga at mapa­nganib na misyon ng patuloy na pagpapahayag ng mabuti at mapagpalayang balita. Ilang ulit Siyang nagpakita at nagsalita sa kanila.

Huwag tayong tumungo at manlumo, imulat natin ang ating mga mata. Tingnan nating maigi ang kapaligiran sapagkat naroroon Siya, ang ating Panginoon at mayroon Siyang ginagawa. Kumikilos Siya sa puso, isip, diwa at kaluluwa ng lahat. Kung Kanyang binulungan sina Grace Poe at Nancy Binay na huwag tumulad sa kanilang sampung kasama, gayundin, ang Kanyang ginagawa sa napakaraming nagdarasal, nakikinig, naghahanap at sumusunod sa Kanya.

Mailap ang Diyos ngunit, napakalakas magparamdam at magpakita ng daan. Itaas ang ulo, imulat ang mga mata. Iunat ang mga kamay at ikilos ang mga paa. Maghandang maglakbay muli. Muli nating buksan ang mga labi upang ihayag ang katotohanan, gayundin, ang isipan at puso upang muling gumawa ng mabuti at tama.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page