SCORPIONS, SUMAMPA NA SA FINAL 4 NG D-LEAGUE


SA gitna ng kinakaharap na kontrobersiya at paglalaro na mayroon lamang pitong players, nakamit pa rin ng Centro Escolar University ang huling Final Four berth sa 2019 PBA D-League kahapon matapos gapiin ang Go for Gold-CSB, 84-74, sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Inaasahang mababa ang moral pagkaraang masuspinde ang 10 nilang manlalaro dahil diumano sa “game fixing” ng Scorpions. “Some players are currently being investigated by the school on alleged game fixing,” pahayag ni coach Derrick Pumaren bago simulan ang laban.
Gayunman, hindi pinangalanan ni Pumaren ang mga sangkot na players.
Gaya ng dati, pinangunahan ni Senegalese big man Maodo Malick Diouf ang Scorpions sa kanyang itinalang 25 puntos, 29 rebounds, 3 assists, 2 steals at 2 blocks sa 40 minuto nIya sa loob ng court.
“I’m happy for the boys, lalo na ‘yung naglarong seven, lalo na kay Malick. He’s been our game changer sa league na ito,” ani Pumaren.
Nagdagdag si Jerome Santos ng 15 puntos at 6 na rebounds, kasunod si Rich Guinitaran na may 11 puntos.
Makakatapat ng CEU sa best-of-three semifinals ang St. Clare College Virtual Reality. Tumapos na topscorer sa nabigong Scratchers si Roosevelt Adams na may 26 puntos. (VA)





Comments