top of page
Pokwang.jpg

RERESBAK ANG LADY TROOPERS AT WATER DEFENDERS SA PVL

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 1, 2019
1 min read

TATANGKAING bumawi mula sa nalasap na kabiguan para umangat sa solong ikalawang puwesto ng Pacific Town-Army sa pagsalang nilang muli ngayong hapon sa 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Makakatunggali ng Lady Troopers sa unang laban sa ganap na alas-2:00 ng hapon ang BanKo Perlas na galing naman sa kabiguan sa una nitong laro sa kamay ng nangungunang PetroGazz noong nakaraang Miyerkules.Sa tampok na laban, magtatapat naman ang Balipure at ang ngayon pa lamang sasalang na Motolite ganap na ika-4:00 ng hapon.Aasahan ng Pacific Town-Army sa tangka nilang pagbangon sina imports Sutadta Chuewulin at Kannika Tipachot ng Thailand katulong ang mga local standouts na sina Jovelyn Gonzaga, Ging Balse-Pabayo, Royse Tubino at setter Alina Bicar.

Sa panig ng Perlas Spikers, magkukumahog ding makabawi sina imports Lakia Bright at Yasemin Sahin Yildirim kasama ng locals na sina Dzi Gervacio, Nicole Tiamzon at Sue Roces.

Samantala sa huling laro, umaasa ang Purest Water Defenders na parehas nang makakalaro ang dalawa nilang imports na sina Danijela Dzakovic ng Montenegro at Alexandra Vajdova ng Slovakia. Hindi nakalaro sa una nilang laban si Dzakovic dahil sa kakulangan nito ng kaukulang dokumento.Samantala, tiyak na aantabayanan ang paglalaro para sa Motolite ni Gyselle Silva Franco ng Cuba matapos ang naging stint sa Philippine Superliga kung saan umiskor siya ng 56 na puntos sa isang laro. Makakatulong niya si Edina Selimovic ng Bosnia and Herzegovina. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page