top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

FUELS, PINADAPA ANG ELITE

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 1, 2019
2 min read

MINANTSAHAN ng Phoenix Fuel Masters ang malinis na karta ng Blackwater Elite matapos ilista ang 103-98 panalo kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumikada si Matthew Wright ng 22 points, pitong rebounds at anim na assists upang ilista ng Fuel Masters ang unang panalo ngayong season, (1-0).

Ipinaramdam ng Phoenix ang higpit ng kanilang depensa sa krusyal para ipalasap sa Elite ang unang talo sa apat na laro. Sabayan ang Elite at Fuel Masters sa unang dalawang quarters kaya naman tabla ang iskor sa 41-all sa halftime. Sa third canto, bahagyang uminit ang opensa ng Fuel Masters kaya nahawakan nila ang nine-point lead, 80-71, papasok ng fourth quarter.

Lalong ginanahan ang Phoenix sa playoff period, kumalas sila ng todo matapos isalpak ni import Robert Dozier ang pandiin na puntos, 93-74, may 8:02 minuto na lang sa laro.

Bagama’t natapyasan ng Elite sa apat na puntos ang hinahabol, naging matatag ang Fuel Masters sa endgame upang makuha ang matamis na panalo.

Samantala, nais ng NorthPort Batang Pier na kargahin ang malinis na apat na panalo sa pagharap nila sa Barangay Ginebra Gin Kings ngayong ala-6:45 ng gabi sa parehong venue.

Tangan ang 3-0 karta, muling sasandalan ng Batang Pier sina import Prince Ibeh, veteran Stanley Pringle at rookie Robert Bolick upang ilista ang 4-0 karta at manatili sa tuktok ng team standings.

Kumana si Pringle ng 22 points, 21 ang kinana ni Bolick habang nag-ambag si Ibeh ng 18 points at 20 rebounds para sa NorthPort na kinalos ang TNT KaTropa, 110-86, noong Miyerkules.

Muling makikilatis ang lakas ng Batang Pier dahil makakalaban nila ang crowd favorite na Gin Kings at ipinagmamalaki ang kanilang best import na si Justin Brownlee.

“I think nasa direksiyon kami kung ano ang goal namin this conference,” saad ni NorthPort coach Pido Jarencio. Magkakaldagan naman sa unang laro ang NLEX Road Warriors at Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon. (ATD)

Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena)

4:30 p.m. - NLEX vs Columbian

6:45 p.m. - NorthPort vs Bgy. Ginebra

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page