DUWELO NG ‘PINAS AT SINGAPORE KASADO SA ASIA RUGBY SA TAIWAN

PIPILITING ilabas ng nagtatanggol na kampeong Pilipinas ang lahat, pati pato at panabla, sa pakikipagsagupa kontra sa Singapore ngayong Sabado, Hunyo 1, sa 2019 Asia Rugby Championship Division 1 sa Taipei Municipal Stadium ng Taiwan.
Ang duwelo ay magsisilbing rematch ng magkaribal dahil noong 2018, dinaig ng Pilipinas ang Singapore, para sa kampeonato.
Ginawang tuntungan ng Volcanoes papunta sa finals ang panalo nila sa semifinals laban sa Sri Lanka, 39-22. Mula sa 8-10 na pagkadehado, nakabawi ang Pilipinas para manguna sa halftime, 15-10.
Mula rito ay napanatili nila ang kalamangan hanggang sa matapos ang sagupaan.
Isang upset na maituturing ang nangyari dahil sa world rankings, nasa pang-53 lang ang Pilipinas habang ang Sri Lanka ay nakaupo sa pang-44 na baytang. Samantala, sa kabilang hati ng final 4 na mga engkwentro, hinablot ng Singaporeans ang huling upuan sa championship face-off sa tulong ng isang 18-13 na pag-angat laban sa punong-abalang Chinese Taipei.
Sa pagpasok sa duwelo, aangkla ang Pilipinas sa tikas nina coach Stu Woodhouse, team captain Daniel Bembo Matthews at ang Volcanoes na sina Robert Fogerty, Justin Coveney, Ned Stephenson at Tim Berry.
Sasandalan din nila ang momentum ng makasaysayang quarterfinals stint sa World Rugby Championships Qualifiers kamakailan at ang podium finish sa Asian Rugby Series noong nakaraang taon.





Comments