Pasaway na driver para madala — Kamara | MAS MATAAS NA MULTA!

IKINAIRITA ng ilang mga kongresista ang kabiguan nitong makapiga ng impormasyon mula sa mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na humarap sa pagdinig ng Kamara, kahapon.
Hindi rin nagustuhan ng mga mambabatas ang pagbalewala umano ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa imbitasyon ng House Committee on Metro Manila Development para magpaliwanag sa mga mahahalagang usapin sa Kamaynilaan.
Ipinilit na lang ng mga miyembro ng komite na humabol si Garcia na pinatawagan sa kanyang mga opisyal na humarap sa pagdinig.
Isa sa mainit na kinuwestiyon ng mga kongresista ay ang araw-araw at paulit- ulit na paglabag ng mga drayber pero, napapayagan pa ring bumiyahe.
Sinabi ni Engr. Emilio Llavor ng MMDA, araw-araw ay may halos 500 bus ang nasasangkot sa insidente o paglabag sa kalsada mula sa kabuuang 3,000 buses na bumibiyahe sa Metro Manila.
Sinabi ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na ang ibig sabihin lamang nito ay may mga tsuper ng bus ang paulit-ulit na nasasangkot sa traffic violations pero, nakapagtataka aniyang hindi naabawasan ang bumibiyahe sa mga lansangan sa Metro Manila.
Hindi naman masagot ng MMDA kung may limitasyon sa rami ng paglabag sa trapiko bago tuluyang hindi na mapayagang bumiyahe ang bus unit.
Kasabay nito, itinutulak naman ni Marikina City Rep. Bayani Fernando ang panukala na ibatay na sa tatlong beses na halaga ang minimum wage ng mga drayber ang sisingilin sa traffic violation nito.
Masyado aniya kasing mura ang singil sa paglabag sa trapiko ngayon kaya balewala sa mga drayber ang masangkot sa paglabag.
Sinabi ni Fernando na kung halimbawa ay nasa P521 ang minimum na suweldo kada araw ng isang traffic violator, sisingilin ito ng mahigit sa P1,500.
Sa ganitong paraan aniya ay madidisiplina ang mga pasaway na drayber.





Comments