top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kargamentong naglalaman ng P1B halaga ng shabu, ipinasubasta ng PDEA at BOC, hmmm…

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 31, 2019
  • 2 min read

HINDI naniniwala si Sen. Panfilo Lacson sa sinasabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) na kaya nila ipinasubasta ang kargamentong naglalaman ng P1 bilyong halaga ng shabu ay para magsilbing pain sa mga nagpasok sa nasabing iligal na droga na ayon sa idineklara ng BOC ito ay ‘tapioca starch’.

Sa totoo lang, hindi dapat ipinasubasta ang nasabing kargamento, lalo na’t alam na rin nilang ito ay naglalaman ng iligal na droga. Dapat daw ay sinira na ito agad upang walang makagamit at makinabang.

Ayon pa kay Sen. Lacson, ang nanalo sa subasta ang nakadiskubre ng iligal na droga sa kanilang bodega sa Malabon at agad ipinaalam sa mga awtoridad. Sino naman ang maniniwala na makikilahok sa subasta ang may-ari ng mga iligal na droga? Butas ang salaysay na ito. Ito ay “kasinungalingang may intensiyong linlangin ang publiko”.

Sino ang maniniwala na seryoso ang kasalukuyang administrasyon laban sa iligal na droga kung ang mga mahihirap na ‘pusher’ at ‘user’ lang ang napapatay sa lansangan habang ang mga matitibay na pader na utak ng malaking halaga ng iligal na droga ay tila walang balakid na nakakapasok o ipinapasok pa rin sa bansa? Kung hindi nadiskubre ang mga iligal na droga ng nanalo sa subasta, ano ang planong gawin ng PDEA at BOC?

◘◘◘

Hindi raw salungat ang inilabas ng Palasyo na Oust Duterte Matrix sa pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na walang “credible ouster plot” laban kay Pangulong Rodrigo Duterte. Sang-ayon umano ang Palasyo sa pahayag ni Sec. Lorenzana na walang “credible” na pagpapatalsik sa pangulo dahil walang suporta ng pulis at militar. Hindi raw ito “credible” kaya hindi raw salungat ang inilabas na matrix ng Palasyo at pahayag ni Sec. Lorenzana.

Pero, kung iisipin nating mabuti ang ibig sabihin ng salitang credible, ito ay nangangahulugan ng kapani-paniwala.

Kaya naman, kung ang gustong sabihin ni Sec. Lorenzana ay walang suporta ng pulis at militar ang anumang plano para patalsikin si Pangulong Duterte, ang dapat niyang ipinahayag ay “hindi magtatagum­pay ang anumang plano na patalsikin si Pangulong Duterte”, pero ang sinabi ay ‘walang kapani-paniwalang plano’. Parang sinasabing wala siyang nakikita o nararamdamang plano. Malamang, mahaba-habang ‘paliwanagan’ na naman ang aasahan natin sa Palasyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page