Tips para maiwasan ang hyperacidity
- BULGAR

- May 30, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ilang araw ko nang nararanasan na parang bloated ang aking tiyan at para akong naduduwal. Sabi ng officemate ko ay baka may hyperacidity ako. Ano ba ang hyperacidity at saan ito nakukuha? — Basha
Sagot
Ang hyperacidity o dyspepsia ang tawag sa sakit kung saan labis ang dami ng stomach acid o asido sa tiyan. Maaari ring katamtaman ang dami ng asido ngunit, ito ay nagdudulot ng sugat o iritasyon sa tiyan at lalamunan. Ang dyspepsia ay pangkaraniwang kondisyon na kadalasang tinatawag na indigestion. Hindi ito mapanganib maliban na lamang kung ito ay sintomas ng mas malubhang karamdaman.
May kaugnayan ang regular na pagkain nang marami sa pagkakaroon ng dyspepsia. Ang tiyan ay nababanat kapag masyado itong maraming laman na nagreresulta sa pagiging sensitibo nito sa asido. Kapag hindi ito naagapan, maaaring magbunga ng mga kumplikasyon ang kondisyon tulad ng peptic ulcer o ulcer sa tiyan at chronic gastritis o pamamaga ng stomach lining.
Maraming maaaring maging sanhi ang dyspepsia at ang pinakakaraniwan dito ay ang labis na pagkonsumo ng pagkain.
Maliban dito, ang sakit ay puwedeng mula sa mga sumusunod:
acid reflux o ang pag-akyat ng stomach acid sa lalamunan
stress at anxiety
side-effects ng mga gamot tulad ng aspirin, ibuprofen at mga nitrate
pagiging overweight o obese
impeksiyon mula sa helicobacter pylori bacteria
peptic ulcer
cancer sa tiyan
paninigarilyo
labis na pag-inom ng alak
labis na pag-inom ng kape
pagkagumon sa iligal na droga
Ang indigestion ay kalimitang napagkakamalang ordinaryong stomach ache o pananakit ng tiyan.
Ang ipinagkaiba, ang sakit ng tiyan ay kadalasang may kaakibat na iba pang sintomas tulad ng mga sumusunod:
pagkahilo
labis na pagdighay
kawalan ng ganang kumain
may kasamang pagkain o likido sa pagdighay
labis na kabusugan pagkatapos kumain
heartburn o paninikip ng dibdib dahil sa indigestion
pagiging bloated
Ang pangunahing layunin sa paggamot ng dyspepsia ay ang pagbawas ng dami at produksiyon ng asido sa tiyan. Karaniwan itong nabibigyang-lunas ng medisina, tamang pagkain at masiglang pamumuhay.
Lifestyle changes:
bawasan ang dami ng pagkain
kumain sa takdang-oras
pagkatapos kumain, magpahinga ng 2 o 3 oras bago matulog
bawasan ang maaanghang na pagkain
umiwas sa paninigarilyo
umiwas sa pag-inom ng alak
bawasan ang pag-inom ng kape at softdrinks
magbawas ng sobrang timbang
ugaliing magkaroon ng regular na ehersisyo
iwasang magsuot ng masikip na damit
magpahinga tuwing nakararanas ng stress




Comments