top of page
Pokwang.jpg

PRINGLE, BIDA SA PIER VS. KATROPA

Writer: BULGAR
BULGAR
May 30, 2019
1 min read

KINAHON ng NorthPort Batang Pier ang 3-0 karta matapos nilang pagulungin ang TNT KaTropa, 110-86, kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Matagal nagpahinga si Stanley Pringle dahil nagpagaling ito ng kanyang injury at sa kanyang pagbabalik laro, nagtala siya ng 22 points upang akbayan ang Batang Pier sa panalo.

Tumikada si import Prince Ibeh ng 18 markers, 20 rebounds at tigatlong assists at blocks para sa NorthPort. Bakbakan sa unang dalawang quarters, isang puntos lang ang abante ng KaTropa, 44-43, sa halftime.

Uminit ang opensa ng NorthPort sa third canto, rumatrat ng 34-21 bentahe upang agawin ang lamang, 77-65, papasok ng fourth quarter. Ipinagpatuloy ng Batang Pier ang magandang laro sa playoff period kaya naman umalagwa ang kanilang bentahe at nakuha ang malinis na tatlong panalo. Kasalo ng NorthPort sa tuktok ang Blackwater Elite.

Samantala, nais ng Elite na manatili sa tuktok ng team standings pagharap nila sa Meralco Bolts bukas ng alas-7 ng gabi sa parehong lugar. Tangan ang 3-0 karta, muling kakapitan ng Elite sina import Alex Stepheson at rookie Bobby Ray Parks Jr. upang makuha ang malinis na apat na panalo.

Tumikada si Stepheson ng 26 points at 21 rebounds habang may 23 si Parks para sa panalo ng Blackwater kontra Columbian Dyip, 118-110, sa kanilang huling laro. Para sa Bolts, pakay nilang bumangon agad mula sa pagkakadapa noong Linggo kontra crowd favorite Barangay Ginebra Gin Kings, 95-110.

Huhugot ng lakas ang Bolts sa kanilang reinforcement na si Gani Lawal na kumayod ng 38 markers at 20 boards sa kanilang talo sa Gin Kings. (ATD)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page