Pagkakaroon ng kapaki-pakinabang na kasanayan sa buhay ng kabataan, aprub!

ANG kabataang Pinoy ay natural na manlalakbay o sadyang mahilig sa adventures. Ilan sa mga kilalang tawag nila sa kanilang mga sarili ay “wanderer”, “adventurers”, “jet-setters” o “explorers” dahil sa hilig na magdiskubre ng sari-saring kaalaman, ideya, kultura, pagkain o lugar.
Dahil sa kanilang determinasyon na gawin ito, hindi sila nakukuntento na mag-aral lamang sa apat na sulok ng klasrum at malakas ang loob na lumabas upang matuto at mag-enjoy.
May kani-kanyang dahilan ang mga estudyante sa pagiging likas nilang manlalakbay. Ang ilan ay nangangailangan ng patnubay mula sa kanilang mga pinagkakatiwalaang guro upang gawing maging makulay, malikhain at makabuluhan ang kanilang buhay-mag-aaral upang hindi maging kainip-inip ang pakiramdam na puro leksiyon na lamang ang pinagtutuunan nila ng pansin.
Mayroon din naman sa kanila ang humihingi ng Form 137 o academic record sa kanilang paaralan upang mangibang-bansa habang walang pasok para maghanap ng potensiyal na trabaho kapag sila ay nagtapos na ng pag-aaral.
Ang iba namang estudyante ay nagpapalipat-lipat ng paaralan upang makakilala at mapabilang sa iba’t ibang grupo ng mga kaibigan at school organization dahil ayon sa kanila, malalim ang kanilang natututunan mula sa pakikihalubilo sa iba.
Positibo itong maituturing dahil nagbubunga ito ng higit na kaalaman at kaunawaan sa nadidiskubreng mga pagkakaiba at pagkakapareho sa bawat isa.
Bukod dito, isa pa sa makabuluhan at malalaking aktibidad na maaari nilang pagkaabalahan ay ang partisipasyon sa iba’t ibang civic at non-profit organizations sa ating bansa.
Sa pagkakataong ito, hindi lamang bubuti ang kani-kanilang pisikal, mental at emosyunal na estado kundi kasabay din nito ay ang benepisyo sa pag-aabot nila ng tulong, suporta at kalinga sa mga tao at komunidad na pinakanangangailangan.
Maraming establisimyento tulad ng Metropolitan Museum of Manila ang tumatanggap ng mga volunteer upang maging guide at magkaloob ng iba pang serbisyo para sa pagpapatakbo ng museo.
Bukas din ang Philippine Eagle Foundation sa mga volunteer mula 13 taong gulang pataas na may personal na interes at pagmamalasakit sa mga hayop, lalo na ang pagpoprotekta sa mga agila at kapaligiran nito.
Kung mahilig naman ang kabataan sa surfing, may mga nagbibigay din ng oportunidad hindi lamang para makapag-surfing kundi maging parte ng proyektong nagnanais na tanggalin ang mga plastic waste sa karagatan.
Sa mga mahilig sa pagtatanim ng halaman at puno, makatutulong ang kabataang ito sa scholarship ng kapwa nila mag-aaral sa pamamagitan ng pagboboluntaryo sa tree-planting activities sa mga gubat, bundok at kalsada tulad ng ginagawa ng non-stock, non-profit, non-governmental organization na Fostering Education & Environment for Development, Inc. o FEED.
Sa Metro Manila at mga probinsiya ay laganap na ang maraming organisasyon na maaaring puntahan ng mga estudyante para matuto at makatulong sa kapwa at sa kalikasan.
Kaya naman, hinihikayat natin ang mas marami pang kabataan na maging bahagi at aktibo sa ganitong adhikain para lumawak at lumalim ang kanilang karanasan, pagkatuto at pananaw sa buhay habang sila ay bata pa.
Lubos nating sinusuportahan ang anumang trip ng kabataan basta makatutulong ito sa pagpapaunlad ng sarili.
Dahil sila ang pag-asa at kinabukasan ng ating bayan, wala tayong ibang hangad kundi umangat ang kalidad ng kanilang buhay.
Kaya naman, sana ay patuloy nilang masulit at mapagtagumpayan ito!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments