Modus ng mga illegal recruitment, buking!

SA hirap ng buhay ngayon sa Pilipinas, may mga kababayan tayong mas gustong makapagtrabaho sa ibang bansa para mabigyan nila ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Ang isa pang dahilan ay mahirap humanap ng trabaho rito kahit ikaw ay nakatapos ng pag-aaral kaya no choice ang ilan nating kababayan kundi ang pumatol o kumapit sa patalim, makapagtrabaho lang sa abroad.
Ngunit, sa mga ganitong sitwasyon sa paghahanap ng trabaho abroad, pinag-iingat natin ang mga job seeker na maging wais sa pag-a-apply ng trabaho sa mga agency dahil may mga demonyong nagpapanggap na konektado sila sa mga legal na agency ngunit, nagne-name dropping lamang ang mga ito para magoyo o manloko ng kaawa-awang aplikante.
Ang modus ng mga hinayupak ay nagpapakilalang konektado raw sila sa mga binabanggit nilang recruitment agency para makuha ang tiwala ng kaawa-awang mga biktima. Kapag naniwala ang biktima sa mga mabubulaklak na salita ay pasok na sila sa bitag.
Agad hihingan ng kung anu-anong requirements para raw agad silang maiskedyul para sa posisyong hinahangad ng aplikante. Kapag sumunod ang biktima sa mga hinihingi ng hinayupak na suspek, hihingan na nito ng pang-placement fee, pang-medical, pambayad sa kung anu-anong fee ang biktima na ang matindi pa ay ang pagkuha sa passport ng biktima.
Dahil tila na-hypnotized ang mga biktima sa mga hinihingi ng demonyong (mga) suspek ay ibinibigay naman ng mga kaawa-awang biktima ang kanilang passport kapalit ng halaga at petsa kuno kung kailan sila makaaalis patungo sa bansa kung saan nangangailangan ng trabahador.
Dahil sa reklamo ng sandamakmak na biktima, personal na nagtungo sa MPD-General Assignment Investigation Section (GAIS) ang mga biktima kung saan sa hindi inaasahang pagtatagpo ay positibong nakilala ng mga biktima ang isa sa mga suspek na tumangay ng kanilang pasaporte na si alyas Editha Montero de Guzman at alyas Fatima de Guzman, na ang tunay na pangalan ay Editha Montero Bacani-Betguen.
Sa pamamagitan ni Captain Francisco Cruz, hepe ng MPD-GAIS, agad pinosasan ang itinurong suspek na ayon kay PSMS Byron Orate, may hawak ng kaso, napag-alaman pa na ipinatutubos ng suspek ang passport ng mga biktima sa halagang P4K hanggang P5K bawat isa para maibalik sa mga biktima ang kanilang pasaporte dahilan para kasuhan ang suspek ng alleged estafa at large scale illegal recruitment.
Mga ka-BULGAR, mag-ingat sa mga taong nagpapanggap na konektado sila sa mga lehitimong recruitment agency kapag nag-a-apply kayo ng trabaho abroad. ‘Wag ninyong basta ibibigay sa mga taong illegal recruiter ang inyong mga dokumento, lalo na ang passport para hindi kayo mabiktima. Sa mga biktima, ang suspek ay kasalukuyan nang nakakulong sa MPD Integrated Jail.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments