Mga responsable sa tone-toneladang basura mula Canada, talupan!

HINDI raw magiging sunud-sunuran sa Palasyo, partikular kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang pahayag ng mga bagong senador, kamakailan. Hindi raw magiging “rubber stamp” ang Senado, pero nang magpakuha ng litrato ang 12 senador, sampu sa kanila ang ipinakita kung saan sila kaalyado sa pamamagitan ng ‘Duterte fist bump’. Sina Sen. Grace Poe at Sen. Nancy Binay lamang ang hindi gumawa ng “kamao na tatak Duterte”.
Kahit isa ay walang nakapasok mula sa oposisyon. Ang malusog na demokrasya ay nangangailangan ng oposisyon para maging balanse ang pagbantay sa isa’t isa, pero sa ngayon, iilan lang ang mga tunay na oposisyon. Halos karamihan ay kaalyado ng pangulo o kilalang kasangga nito. Ngayon pa lang ay pinag-uusapan na ang pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty at ipinipilit din ang Pederalismo.
Kung magkakaroon pa ng maayos na diskusyon sa mga isyung ito, mukhang hindi na magaganap ang hindi pagiging sunud-sunuran sa Palasyo dahil tila alam na agad nila ang kanilang mga gustong isulong sa Senado kahit hindi pa tuluyang nakauupo.
◘◘◘
Sa wakas, mukhang matutuloy na ang pagbabalik ng tone-toneladang basura sa Canada. Ilang taon din itong hindi maaksiyunan dahil sa kung anu-anong dahilan. Hindi tinanggap ni Pangulong Duterte ang plano ng Canada na pabalikin ang mga basura sa katapusan ng Hunyo kaya inaaksiyunan na raw ito.
Pero, hindi lang ang Canada ang nagtapon ng basura sa bansa. Kamakailan, may dumating din na mga basura mula Australia at Hong Kong. Ano kaya ang naiisip ng mga karatig-bansa para magpadala ng kanilang basura? Pero, ang pinakakuwestiyunable, sino ang nagbigay-pahintulot na tumatanggap ng basura? Ang alam natin, bawal magpadala ng basura ang anumang bansa kahit saan sa mundo maliban na lang kung hinihingi para magamit sa recycling.
Ang problema, ang mga basura ay hindi recyclable materials at tunay na nakasasama sa kalikasan. Dapat itong imbestigahan, lalo na ang mga responsable sa pagtanggap nito, gayundin, ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), ang ahensiya kung saan unang ibinabagsak ang mga ‘tone-toneladang basura’ ng ibang bansa.





Comments