Dahil sa bagong batas na susuporta sa mga magsasaka at mangingisda; problema sa agrikultura, posible
- Ryan B. Sison
- May 29, 2019
- 1 min read

MATATANDAANG, maraming magsasaka at mangingisda ang humihingi ng tulong sa gobyerno hinggil sa kanilang proteksiyon at mga personal na pangangailagan sa buhay.
Kung saan ngayon ay mukhang maibibigay na ito sa kanila dahil nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Sagip Saka Act na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Sa ilalim ng nasabing batas ay inaatasan ng gobyerno ang pagbuo ng farmer at fisherfolk enterprise program kung saan magbibigay ang pamahalaan ng modernong teknolohiya sa pagsasaka at pangingisda, gayundin sa pagnenegosyo.
Dagdag pa rito, popondohan din umano ng gobyerno ang pagsasaka at pangingisda sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa financing, credit grants at crop insurance.
Gayunman, kabilang sa mga makikinabang sa nasabing batas ay ang mga magsasaka, mangingisda, producer group at piling small and medium enterprises.
Sa totoo lang, maganda ang batas na ito dahil tiyak na marami ang makikinabang dito, pero ang hiling natin sa mga ahensiyang hahawak nito, itigil ang pagiging korup at panggigipit nang sa gayun ay talagang maibigay ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda na matagal nang nagtitiis sa kakarampot na kita.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments