4 GOLD THROWER 67-YEAR OLD LAVANDIA, PAMBATO SA ASIAN MASTERS


KALABAW lang ang tumatanda! Pinatunayan iyan ng 67-anyos na tubong Baguio City na si Erlinda Lavandia, isang retiradong policewoman nang pagwagian ang 4 na gintong medalya sa Southeast Asian Athletic Championship sa Singapore.
Ang retiradong Senior Police Officer at isang Senior Citizen mula sa Baguio City at tinagurian ding reyna ng Philippine javelin ay pinatunayang ang edad niya ay hindi naging sagabal sa pagkopo ng gold medal sa katatapos na Southeast Asia Athletic Championship noong Mayo 4-5.
Pinarangalan noong Lunes si Lavandia ng Baguio City sa isang flag-raising ceremony at nakatanggap ng cash incentives mula sa city government bilang bahagi ng programa ng siyudad na magbigay insentibo sa sinumang Baguians na magbibigay karangalan sa lugar sa pamamagitan ng sports.
Bukod sa javelin throw, si Lavandia, isa sa pinakadakilang javelin throwers sa kasaysayan ng Southeast Asian games ay naka-4 gold din sa iba’t ibang throwing events tulad ng javelin throw, discus throw, shotput at hammer throw.
Nanaig siya sa mga atletang mula sa India, Malaysia at Singapore. Ibinahagi ng malakas na 67-year-old na si Lavandia sa Igorotage kung paano siya nanatiling matibay sa kabila ng kanyang edad. Upang manatili raw na malakas at matikas, sinabi ni Lavandia na patuloy siya sa kanyang training, masustansiyang pagkain at natutulog sa tamang oras. “Thorough training. Kailangan mag-training ng maigi. Dapat may dedication at determination and discipline,” saad ni Lavandia. “Kailangan on time ka matulog, ‘yan ang sikreto ko diyan,” dagdag niya.
Pakay ni Lavandia na maging world champion at nais makasagupa ang ‘best athlete’ ng Amerika. Nagpapahinga sa ngayon si Lavandia at inihahanda muli ang sarili sa susunod na kompetisyon. Magtutungo siya ng Kuala Lumpur, Malaysia para sa Asian Masters Athletic Championships mula Nobyembre 28–Dis. 9. (MC)





Comments