Magkaibang pares ng tsinelas
- BULGAR

- May 28, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Alice ng Alice_ Darilla@facebook.com
Dear Professor,
Pangit ba na nakasuot nang hindi pares na tsinelas sa panaginip? Sa kaliwa kasi, ang suot ko ay kulay pink, pero may malaking butas at pudpud na. ‘Yung suot ko sa kanan ay kulay itim, pero maayos.
Ano ang kahulugan nito?
Maraming salamat!
Naghihintay,
Alice
Sa iyo Alice,
Rito sa amin, masaya ang magsuot ng tsinelas na hindi tugma, maliit ang isa, iba ang kulay ng isa, pudpud o hindi magkapares. ‘Yan ang sabi ng matatanda.
Madarapa raw ang hindi susunod sa payo ng mga nakaaalam. Aktuwal na nadarapa talaga ang magsusuot ng hindi tugmang tsinelas. Sa buhay, ang madarapa ay mabibigo sa lovelife at career.
Kaya ang panaginip mo ay nagsasabing, kung nakararanas ka ng hindi tama sa sitwasyon mo ngayon, gumawa ka ng paraan para hindi ka madapa, masaktan at makaranas ng pangit na kapalaran.
Kung in love ka ngayon, kahit hindi mo magustuhan ang payo, makipag-break ka sa karelasyon mo dahil hindi tama ayon sa panaginip mo ang pakikipagrelasyon.
Kung may negosyo ka ngayon, ihinto mo ito dahil ang negosyong pinasok mo ay hindi tama para sa iyo.
Kung namamasukan ka sa kumpanya o sa anumang pinagtatrabahuhan mo, umalis ka na bago ka pa makaranas ng mga bagay na pagsisisihan mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments