RAVENA, PARARANGALAN BILANG COLLEGIATE PLAYER OF THE YEAR


MATAPOS pangunahan ang Ateneo de Manila sa dalawang sunod na kampeonato sa UAAP Men’s Basketball Tournament, nakatakdang igawad kay Thirdy Ravena ang parangal bilang Collegiate Player of the Year sa idaraos na 2019 Chooks-To-Go Collegiate Press Corps Awards Night ngayong gabi sa okasyong ihahatid ng SportsVision sa Amelie Hotel sa Ermita, Manila.
Sa kanyang pagkakahirang, napahanay si Ravena sa kanyang nakatatandang kapatid na si Kiefer gayundin kina Mac Belo, Jeron Teng, Robert Bolick at Ben Mbala sa listahan ng mga nagwagi ng nasabing individual honors na syang tampok sa taunang awards rites na inorganisa ng mga mamamahayag na kumukober ng NCAA at UAAP. Mas nagningning ang performance ng second-generation cager sa nakaraang finals series kung saan siya nagtala ng average na 29.5 puntos, 8 rebounds at 7.5 assists nang gapiin ng Blue Eagles ang U.P. Fighting Maroons kung saan itinanghal siya bilang bagong King Eagle.
Kasama ni Ravena na napili sina Robert Bolick ng San Beda, Perpetual Help center Prince Eze, University of the Philippines slotman Bright Akhuetie at ace guard Paul Desiderio sa All-Collegiate team.
Samantala sa unang pagkakataon, magkakaloob ang Press Corps ng Sport Vision Volleyball Players of the Year award . At ang mga napili upang tumanggap ng parangal ay sina University of Santo Tomas spiker Sisi Rondina bilang UAAP Volleyball Player of the Year at si Arellano hitter Regine Arocha bilang NCAA Volleyball Player of the Year. (VA)





Comments