Legal assistance para sa demolition at eviction cases ng PCUP para sa masa, ayos!


NAIS ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na ang karapatan ng mga maralita sa asset reform ay matugunan. Gumagawa tayo ng legal na aksiyon tungkol sa demolition at eviction cases at iba pang paraan ng pag-a-acquire ng lupa para sa kasiguraduhan sa paninirahan.
Para sa inyong kaalaman, ang PCUP ay tumutulong sa mga lehitimong samahan ng underprivileged and homeless citizens na magkaroon ng sariling lupa at bahay sa pamamagitan ng technical assistance.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Noong isang araw, may pumunta sa lugar namin na may hawak na titulo. Ang sabi nila sa kanila raw ‘yung lupa dahil minana pa raw nila ito at paaalisin nila kami kapag hindi kami makapagbabayad ng P1, 500 kada buwan. Nag-meeting kami ng asosasyon at napagkasunduan na idulog muna sa inyong opisina ang dapat naming gawin. Sana ay matulungan ninyo kami. Salamat! — Robert
Sagot
Magandang araw din, Mang Robert! Mabuti at naikonsulta muna ninyo ang ganitong klaseng isyu bago kayo gumawa ng aksiyon. Mas mainam nang malaman natin kung sila ba talaga ang tunay na nagmamay-ari ng inyong lugar.
Iniiwasan lang natin na mabiktima kayo ng mga squatting syndicate. Talamak ang mga ito sa urban poor areas at naniningil ng pera. Isa sa mga paraan upang malaman natin na sila ay mga sindikato kung ang kanilang ipinakitang titulo ay peke at kadalasan pa ay Spanish titles.
Para malaman kung totoo ang titulong inihain sa inyo, maaari kayong pumunta sa inyong lokal na Registry of Deeds at ipa-check. Kung napag-alaman na ito ay peke, gagawa tayo ng legal na aksiyon tungkol dito.
Kung ito ay napag-alamang totoo, maaari kayong makipag-ugnayan sa PCUP upang tulungan ang inyong samahan sa negosasyon tungkol sa inyong kasiguraduhan sa paninirahan.
Ang PCUP ay maaaring makipagdayalogo sa nasabing may-ari kung sila ay payag sa posibleng pagbili ng inyong samahan sa kanilang lupa sa abot-kayang halaga. Kung hindi man sila papayag at gagamitin nila ang lupa sa paraang gusto nila bilang lehitimong may-ari, tutulungan pa rin kayo ng PCUP na masiguro ang inyong security of tenure.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments