Anti-Endo Bill, may dala rin umanong masamang epekto sa trabaho

NAKATAKDA nang isalang sa bicameral conference committee ang Security Tenure Bill na layong wakasan ang “endo” o end of contract na matagal nang pinoproblema ng mga empleyado.
‘Yun nga lang, ang problema, ngayong unti-unti na itong nagkakaroon ng progreso, mayroon pa ring mga grupo ang nagrereklamo kung saan sinasabi nilang ang pag-apruba sa Anti-Endo Bill na nakapaloob sa security tenure ay magiging dahilan kung bakit mas lalong mababawasan ang mga oportunidad na trabaho sa bansa.
Halimbawa umano rito, ang mga employer na kumukuha lamang ng manggagawa tuwing Pasko o may okasyon kung saan maaapektuhan umano ito kung sakaling matutuldukan ang endo.
Gayunman, sa totoo lang, minsan, kailangan nating mamili kung ano ang bagay na mas mapakikinabangan ng karamihan at majority sa manggagawa ay gusto ng tuldukan ang endo at ‘yun ang binibigyang-prayoridad ngayon.
Samantala, kung sakaling may maapektuhan dahil dito, hindi pagrereklamo ang tamang solusyon kundi ang paggawa ng paraan upang hindi maging pabigat sa lipunan.
Kung tutuusin, hindi sa pamamahala ng gobyerno nakasasalay kaya maraming Pilipino ang walang trabaho dahil sa katunayan, aminin man natin o hindi, marami sa atin ang kulang sa disiplina, tiyaga, determinasyon at diskarte para magkaroon ng hanapbuhay.
Kaya ngayong tinutulungan na tayo ng pamahalaan, tulungan din natin ang ating sarili na umangat at magkaroon ng ambag sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments