Tulong-pinansiyal ng SSS para sa mga apektado ng lindol sa Pampanga

Dear SSS,
Magandang araw! Mayroon bang tulong-pinansiyal ang SSS para sa mga naapektuhan ng lindol noong Abril sa Pampanga? Nakalulungkot dahil nagtamo ng pinsala ang aming tirahan. Maraming salamat! —Leo
Sagot
Para sa inyong katanungan, hindi mo nabanggit kung saang bayan sa Pampanga kayo nakatira sapagkat nagsimula nang tumanggap ang SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensiyunado na naapektuhan ng lindol noong Abril. Subalit, ang tanging tinatanggap na aplikasyon ay mula sa mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa Porac, Pampanga. Ang nasabing bayan pa lang sa Pampanga ang idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity bunsod ng Magnitude 6.1 na lindol kamakailan sa Gitnang Luzon.
Sa ilalim ng CAP, maaaring makakuha ng calamity loan, advance three-month pension at direct house repair and improvement loan ang mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa nabanggit na lalawigan.
Para sa mga miyembro, maaaring mag-apply ng calamity loan na aabot sa P16,000 kung sila ay nagbabayad ng kontribusyon batay sa pinakamataas na monthly salary credit (MSC). Kinakailangang mayroon silang hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang anim nito ay dapat naihulog sa loob ng 12 buwan bago ang petsa ng aplikasyon. Dapat hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit mula sa SSS tulad ng total permanent disability at retirement benefits.
Ang calamity loan assistance ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kaya ang mga miyembro na may natitirang utang sa salary loan ay maaari pa ring mag-apply sa calamity loan. Gayunman, hindi kuwalipikado sa calamity loan ang mga miyembro na may nalalabing utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CAP.
Maaari ring mag-avail ng calamity loan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW). Kinakailangang ang OFW ay residente ng mga lugar na idineklarang lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat mag-isyu ang OFW ng authorization letter sa kanyang kinatawan na magpa-file ng kanyang calamity loan application.
Maliban sa calamity loan, ang mga miyembrong nasira ang bahay ay maaari ring mag-avail ng Direct House Repair and Improvement Loan Program. Hanggang P1 milyon ang maaaring utangin. Ito ay may interest na walong porsiyento kada taon para sa utang na may halagang aabot sa P450, 000 at siyam na porsiyento kada taon naman para sa utang na mula P450, 000 hanggang P1 milyon. Gayundin, bibigyan ang borrower ng anim na buwang moratorium sa pagbabayad at hindi na rin pababayaran ang 1% na processing fee.
Upang makapag-apply sa Direct House Repair and Improvement Loan, ang miyembro ay kinakailangang may edad na hindi hihigit sa 60 at nakapaghulog ng hindi bababa sa 24 buwan kontribusyon kung saan ang tatlo nito ay naihulog sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.
Ang mga pensiyunado naman ay maaaring mag-avail ng advance three-month pension. Kinakailangan lamang na magpakita ng barangay certification bilang patunay na sila ay naninirahan sa nasalantang lugar na idineklara ng NDRRMC.
Maaaring mag-apply para sa calamity loan at advance three-month pension mula Mayo 17, 2019 hanggang Agosto 16, 2019. Samantala, ang aplikasyon para sa Direct House Repair and Improvement Loan ay mula Mayo 15, 2019 hanggang Mayo 15, 2020.
Sa mga interesadong miyembro at pensiyunado, maaaring mag-file ng aplikasyon sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Maaaring i-download ang mga kaukulang application form, barangay certification at authorization letter sa SSS website sa www.sss.gov.ph.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais natin ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments