Nakakatawa kaya click na click sa netizens | ‘Wag magpapabola sa mga memes ng mga pulitiko

HINDI lingid sa ating kaalaman na usung-uso ang memes ngayon sa iba’t ibang platform ng social media at kasabay ng nangyaring halalan, patok na patok ang memes ng mga pulitiko kung saan mayroong mga nakakatawa, pero mayroon din namang nakakainis. He-he-he!
Sa katunayan, ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang iba sa paggawa ng mga ito, ‘yun nga lang, mukhang sa pamamagitan ng memes na nakaaaliw, ang pangit na imahe ng mga pulitiko ay nabubura na sa isipan ng mga Pilipino.
‘Yung tipong kahit magmukha silang katawa-tawa basta hindi malaos ang pangalan ay gagawin nila. Grabe, grabe!
Nakababahala, pero sana hindi ito ang maging dahilan para malinis agad nila ang kanilang pangalan sa mga maling bagay na nagawa nila sa nakaraan dahil kailangan pa rin nilang patunayan sa taumbayan na ang hangarin nilang maglingkod sa bayan ay taos-puso at walang halong panloloko.
Huwag tayong pumayag na maulit nang maulit ang nangyari, gusto natin ng pagbabago, dapat gumawa rin ng maganda at mga bagong proyekto.
Gayunman, para sa lahat, okay lang na matuwa sa memes na ito dahil sa totoo lang, pampawala rin ito ng stress, basta hindi ninyo makalilimutan ang karapatan ninyong malaman ang kanilang tunay na motibo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments