Mga tutol sa ROTC, ayaw sa tradisyong hazing, karahasan at kahalayan

SWS, NAGLABAS NA NAMAN NG HINDI KAPANI-PANIWALANG SURVEY — Naglabas na naman ng hindi kapani-paniwalang survey ang Social Weather Stations (SWS) nang isapubliko nilang bumuti na raw ang buhay ng mayoryang Pinoy sa ilalim ng Duterte gov’t.
Mantakin ninyo, tumaas ang presyo ng mga bilihin, langis, toll fee, pasahe, bayarin sa kuryente at tubig na dulot ng TRAIN Law, nawala sa merkado ang P27-P32 per kilo ng NFA rice, maraming jobless dahil ang work para sa mga Pinoy ay ibinigay sa mga iligal na manggagawang Chinese at “pinatay” ang hanapbuhay ng mga magsasaka dahil sa Rice Tariffication Law tapos sa survey ng SWS, bumuti na raw ang buhay ng mayoryang Pinoy, buwisit!
◘◘◘
TRADISYONG HAZING, KARAHASAN AT KAHALAYAN SA ROTC — Mayorya sa mga magulang ay tutol sa isinabatas na mandatory ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) para sa Grades 11 at 12 sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan.
May punto ang mga magulang na tutulan ito kasi hindi naman mawawala ang tradisyong hazing diyan at may nabalita pa noon na may mga kadeteng namatay at ang mga babaeng kadete naman ay ginagawan ng kahalayan, period!
◘◘◘
DAPAT DAGDAG-LIBRO SA MGA ESTUDYANTE, HINDI ARMAS — Dapat talaga hindi na ibinalik sa mga estudyante ang ROTC dahil bukod sa dagdag-pahirap, delikado pa ‘yan sa buhay ng mga mag-aaral.
Hay naku, imbes na dagdag-libro para sa mga mag-aaral ang isinabatas ng Duterte gov’t., eh, ang ginawa ay batas para turuang humawak ng armas ang mga estudyante, pwe!
◘◘◘
MGA NAGWAGING ‘NARCO-POLITICIAN’, DAPAT ‘ITOKHANG’ NA — Kinumpirma ng PNP at PDEA na may ilang “narco-politician” ang nagwagi nitong nakalipas na halalan.
Aba, kung totoong “narco-politician” ang mga nagwaging ‘yan, ang dapat gawin ng mga awtoridad ay “itokhang” na ang mga ‘yan bago pa sila umupo sa poder ngayong Hulyo 1, 2019 para hindi na nila maipagpatuloy ang raket nilang iligal na droga sa kanilang mga lugar, period!





Comments