Lalaki nilapa ng buwaya, patay
- Jeff Tumbado
- May 26, 2019
- 1 min read

BINALOT ng hilakbot ang isang barangay sa bayan ng Rizal sa Palawan matapos mabalitaang may isang tao ang nilapa nang buhay ng buwaya sa kanilang lugar, noong Biyernes.
Ayon sa report ng pulisya, posibleng ang 35-anyos na lalaking residente ng Sitio Bulikawa, Bgy. Canipaan na si Jomar Banggali ang inatake ng buwaya batay na rin sa pahayag ng kanyang mga kaanak.
“Nakita ‘yung bangkay at marami raw kagat sa parte ng leeg, sa ulo, sa braso at sa katawan,” pahayag ni Forester Jovic Fabello sa pulisya.
Lumalabas sa imbestigasyon na Huwebes pa ng hapon nang mawala si Banggali sa Canipaan River.
Kinabukasan, nakita na lamang ang kanyang bangkay sa Katiringan sa nasabi ring bayan.
Kung sakaling makumpirma, ito na umano ang unang kaso ng may namatay na residente sa lugar dahil sa pag-atake ng buwaya sa Bgy. Canipaan.
Maaaring pumasok sa teritoryo ng mga buwaya ang biktima kaya inatake ito.
Posibleng depensa ito ng buwaya o may pinoprotektahang pangitlugan lalo na’t breeding season ngayon.
“Posibleng nakita ng buwaya na ‘yung tao ay naliligo sa ilog or may ginagawa doon sa ilog and ang tingin naman niya hindi niya naman ma-distinguish kung tao ‘yun o hayop. So, ang natural tendency lalo na kung gutom siya is aatake siya,” ani Fabello.
Idineklara ng Rizal Municipal Government ang Canipaan bilang crocodile sanctuary.





Comments