top of page

Kahalagahan ng pag-ibig sa pagsunod sa bokasyon o propesyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 25, 2019
  • 2 min read

NAIPROKLAMA na ang 12 bagong halal na senador. Tamang-tama ang pagbasa noong nakaraang Huwebes bilang hamon sa mga ito upang maglingkod nang wagas at tunay,

“Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayundin, namang iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig at tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa Kanyang pag-ibig.” (Juan 15:9-10)

Mayroon bang pag-ibig na walang pagsunod at pag-ayon? Kung mayroon, tawagin natin itong “puppy love” o “immature love”.

Mayroon bang pagsunod o pag-ayon na walang pag-ibig? Kung mayroon, tawagin natin itong kalagayan ng pagkaalipin kung saan sumusunod ang alipin kahit hindi niya mahal ang kanyang ginagawa, lalo na ang kanyang amo.

Sa simula ng panunungkulan ng bagong halal na mga senador, sino kaya sa kanila ang “nagmamahal na sumusunod” at sino naman ang “sumusunod na walang pagmamahal”?

Garapal at talamak ang pamumudmod ng salapi noong nakaraang eleksiyon. Sa bibig mismo ng makapangyarihang opisyal narinig na sino ba ang hindi namimili o nagbebenta ng boto? Hindi ba, lahat naman ay bumibili ng boto at halos lahat ay nagbebenta rin ng boto?

Tila ang boto ay isang produkto na may presyo at tulad ng anumang negosyo, kailangan ng kapital upang simulan at maipagpatuloy ito. Saan nanggaling ang salaping ipinambibili ng boto ng mamamayan? Malinaw na hindi ito galing sa personal na bulsa ng mga kandidato. Kung nais manalo sa pamamagitan ng suporta o “endorsement” ng pangulo, kailangan mong maging kapaki-pakinabang sa kanya sa mga darating na panahon at kung matitiyak niyang mayroon kang pakinabang, hindi malayong bigyan ka ng magandang suporta para sa iyong pangangampanya.

Ipinagdiwang ni Monsignor Mario Rafael M. Castillo, bagong kura-paroko ng Parokya ng San Juan Bautista sa Calamba, Laguna, ang kanyang ika-40 taon bilang pari noong nakaraang Huwebes, ika-23 ng Mayo, 2019.

Sa Homeliya na ating ibinigay noong Huwebes, ating ipinaliwanag ang limang ‘M’ na magtanong, magpasalamat, manahimik (magnilay at magdasal), makinig at manatili sa pag-ibig ng Panginoon.

Bokasyon at hindi pangkaraniwang propesyon ang pagpapari at ito ang niyakap ni Msgr. Mario Castillo sa loob ng mahabang panahon.

Pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang anak na si HesuKristo ang pinagmumulan ng sigla, galak, lakas at katapatan ni Msgr. Mar sa kanyang bokasyon.

Pangalawa, kapag madalas kang kasama o babad ka sa mga parukyano, hindi ka nila pababayaan. Anumang mabuti at makatutulong na proyekto ay susuportahan ka ng iyong mga parukyano at wala kang aalalahanin. Dagdag pa niya, “hindi ko mapatatawad ang kumbinasyon ng “so young, and yet so, masungit!”

Nakatutuwang pakinggan ang istorya ni Msgr. Mar. Sa loob ng 40 taon, malinaw ang pagsunod niya, ang pag-ibig na may pagsunod at pag-ayon sa kalooban ng Diyos at ang pagsunod o pag-ayon na mayroong pag-ibig.

Sana, pahintulutan ng Diyos na magkaganito ang ating bagong halal na mga pinuno.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page