Hands-off sa cellphone ng guy… AIKO, UMAMING SELOS ANG DAHILAN NG PROBLEMA NILA NG BF


MASAYA dapat ang kampo ng nanalong vice-governor ng Zambales na si Jay Khonghun dahil sa kabila ng mga intriga at kontrobersiyang sinuong nila ng GF na si Aiko Melendez ay siya pa rin ang pinili at ibinoto ng mga residente roon.
Todo ang ginawang tulong ni Aiko sa kandidatura ni Jay. Halos inikot ng aktres ang lahat ng sulok ng Zambales mailapit lang ang karelasyon sa mga botante.
Pero matapos ngang manalo, mukhang nagkaroon naman ng problemang personal ang magkarelasyon lalo na’t may nai-post sa social media si Aiko na bumibiyahe abroad nang mag-isa.
Na-miss daw ng aktres ang kanyang mga anak kaya makikipag-bonding siya at babawi sa mga ito. Pero kasunod naman nito ang bagong post ni Aiko na paglilinaw sa kumakalat na balitang hiwalay na sila ni Jay at siya ay pinalayas na sa tirahan ng pulitiko sa Subic, Zambales.
Ipinaliwanag ni Aiko na ang usapan lang nila ni Jay ay 45 days siyang mag-i-stay sa Subic para tulungan sa kampanya si Jay. Hindi rin daw sila nagli-live-in. Pinakiusapan daw niya ang BF na ipadala sa staff nito ang mga naiwan niyang gamit at damit sa bahay niya. Ipinadala naman daw ito ng bagong vice-gov. ng Zambales.
Ganunpaman, hindi itinanggi ni Aiko na may pinagdaraanan sila ngayon ng kanyang BF. Selos ang isa sa mga dahilan ng kanilang ‘di pagkakaunawaan. As a rule, hindi raw pinakikialaman ni Aiko ang cellphone ng karelasyon.
Pero, ayaw munang magdetalye ni Aiko sa real status nila ngayon ng kanyang BF. Abangan na lang kung maaayos nila ang problema o mauuwi sa hiwalayan dahil tipong may paramdam si Aiko sa kanyang post na hindi niya alam kung mamahalin din ng mga taga-Zambales kung sinuman ang ipapalit sa kanya ni Jay Khonghun.





Comments