GROSPE, NAKA-PODIUM AGAD SA PRURIDE RACE
- BULGAR

- May 25, 2019
- 2 min read

SUBIC BAY – Hindi natinag sa mga banyaga at hinakot ni Ismael Grospe Jr. ng Go For Gold Continental Cycling Team ang mga karangalan sa pagtatapos ng unang yugto ng PRURide PH UCI 2.2 Stage Race na nagsimula at nagtapos sa Harbor Point Mall, Huwebes ng hapon. Tinapos ng 20 anyos na si Grospe ang 138.4 kilometrong karera na umikot sa lalawigan ng Bataan bago bumalik sa Subic sa oras na 3:15:47.08.
Tiniis ni Grospe ang pulikat sa huling hatawan para lampasan si Gong Hyo Suk ng LX Cycling Team ng Timog Korea na umoras ng 3:15:48.09.
Pumangatlo si Daniel Habtemichael ng Eritrea na kumatawan sa 7-Eleven CLIQQ Air 21 ng Pilipinas sa oras na 3:15:57.09.
Maliban sa premyong salapi na P65,000, iniuwi ng tubong Lupao, Nueva Ecija na si Grospe ang apat sa limang Jersey Award – Red PRULife UK bilang overall leader, Green Robinsons Bank bilang points leader, Black Rudy Project bilang Best Young Rider Under-23 at Blue CCN bilang Best Filipino Rider. Ang hindi lang napunta sa kanya ay ang Orange Gatorade para sa King of the Mountain na napunta kay Gong.
“Lalo po naming sisikapin bukas pero hihintayin namin ang sasabihin ng coach namin,” wika ni Grospe. Nagtiyaga ng husto si Grospe at tuluyang naagaw ang kalamangan sa huling 5 kilometro sa may bahagi ng Argonaut Highway.
“Gusto ko talaga na maglaro sa Southeast Asian Games kaya pagbubutihin ko po rito,” dagdag ni Grospe. Sa ngayon, gagamitin niya ang halagang naipanalo niya sa pag-aayos ng kanilang bahay at tutulungan niya ang kanyang mga magulang.
Isang matinding pangalawang yugto ang naghihintay sa mga siklista mula Harbor Point papuntang Mariveles, Bataan at iikot pabalik para sa pagtatapos sa taas ng Mount Samat na may layong 240-km at maaring ito na ang magsasabi kung sino ang tatanghaling kampeon sa Linggo.




Comments