Panawagan ng Simbahan | ‘DAYAAN’ SA HALALAN, IMBESTIGAHAN

NANAWAGAN na rin ang tatlong Obispo ng Simbahang-Katolika para sa independent at patas na imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon na umano’y nagkaroon ng iregularidad sa katatapos na May 13 midterm elections.
Ang joint statement ay inilabas nina San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Novaliches Bishop Antonio Tobias at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
Nanindigan ang mga Obispo na hindi magkakaroon ng ‘closure’ ang isyu at kuwestiyon sa integridad at kredibilidad ng halalan hangga’t hindi nagsasagawa ng patas na imbestigasyon hinggil dito.
“No amount of name-calling and threats from the part of those silencing protests can repress the call for transparency,” bahagi ng kanilang joint statement.
Hanggang ngayon, hindi pa rin umano nasasagot nang maayos ng Commission on Elections (Comelec) ang nangyaring delay sa transmission ng mga resulta ng mga boto, mataas na bilang ng vote counting machines (VCMs) na nagkaaberya noong halalan at ang mga pumalyang secure digital (SD) cards, gayundin ang umano’y mga pre-shaded ballots at mga maling ballot receipts.
Matatandaang, nitong Miyerkules ay natapos nang iproklama ng Comelec na tumayong National Board of Canvassers (NBOC) ang mga bagong halal na senador at partylist groups.
Ito ay sa kabila ng ilang panawagan na suspendihin muna ito dahil sa alegasyon ng dayaan.
Nanindigan ang Comelec na walang dayaang naganap at malinis ang katatapos na halalan.





Comments