Mga representante ng mga nasa laylayan ng lipunan, mga bilyunaryo, ngek!

NAGKAROON ng kakampi si dating Ombudswoman Conchita Carpio-Morales, pero mula sa ibang bansa. Binatikos ni Hong Kong Legislator Ted Hui Chi-Fung ang ginawang pagpigil kay Morales noong Martes na makapasok sa Hong Kong dahil sa banta raw sa kanilang seguridad. Katawa-tawa naman, 78 taon na ang dating Ombudswoman, paano siya naging banta?
Kasama ni Morales ang kanyang mga anak at apo para magbakasyon. Hiniwalay si Morales sa isang silid at doon pinaghintay daw ng mahigit tatlong oras. Ang unang plano ay pabalikin siya ng Pilipinas, pero kalaunan ay pinayagan din siyang makapasok, gayunman, minabuti na lang nilang bumalik sa Pilipinas. Dapat lang sapagkat ipinahiya na ang dating opisyal ng bansa.
Ayon kay Chi-Fung, mukhang politika at hindi seguridad ang tunay na dahilan. Ang Hong Kong ay may mataas na uri ng awtonomiya sa mainland China para mapanatili ang malakas na ekonomiya at iba pang sistema. Mukhang nakialam daw ang Beijing sa insidenteng ito. “Under the one country, two systems policy, the Hong Kong government has no legal basis to consider the court case that has nothing to do with Hong Kong.” Ang tinutukoy ay ang kasong isinampa nina Morales at dating DFA Sec. Albert del Rosario laban kay Chinese President Xi Jinping. Kahit China pa raw ang kinasuhan, ang korte ang dapat magbigay ng desisyon, hindi sa Immigration. Ayaw makialam ng Palasyo dahil batas daw ito ng Hong Kong o China ang isyu ay ayaw din magbigay ng reaksiyon sa ginawa kay Morales. Ang narinig lang natin ay aabutan ng tulong si Morales noong hawak ng Immigration, ano kaya ang umabot kay Morales?
◘◘◘
Mga bilyunaryo ang representante ng mga nasa laylayan ng lipunan. Ito ang napansin ng Comelec at hinikayat ang bagong Kongreso na amyendahan ang batas hinggil sa partylist para matukoy ang isyung ito. Hindi raw ito maaayos sa ngayon ng Comelec dahil inaaprubahan lang nila ay ang mga grupo. Hindi raw nila alam kung sino ang mga nominee kaya kapag inaprubahan na sila ng Comelec, saka pa lang isusumite ang kanilang nominees na kadalasan ay mga kilalang bilyunaryo, milyunaryo o makapangyarihang pulitiko o mga nagpupumilit na makapasok sa Kongreso. May budget din ang mga partylist, lalo na kung kaalyado ng administrasyon.
Bagama’t, mapapailing na lang tayo sa ilang mga Kongresista, sana ay mapagsilbihan ng tunay ang mga nasa laylayan ng lipunan at hindi lamang ang sariling mga bulsa.





Comments