BAHAM KAMPEON SA MANILA CHALLENGE 6-COCK
- BULGAR

- May 24, 2019
- 1 min read

HINDI natinag hanggang huli ang entry ni Baham Mitra na Mitra 56, matapos masungkit ang unang panalo sa ikalawang laban ng 150-fight program na nagsimula ng 10 a.m. noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum upang magtapos na may 6 na panalo sa 6 na laban at maibulsa ang kampeonato ng prestihiyosong 2019 Thunderbird Manila Challenge Extreme 6-Cock All Star Derby na kinapalooban ng 50 kalahok na binubuo ng mga kabilang sa Thunderbird Winning Team at ng mga regional derby champion mula sa buong bansa.
Bunsong anak ng yumaong House Speaker at hinangaang breeder ng manok-panabong na si Ramon Mitra ang gumuhit ng kasaysayan sa larangan ng sabong nang kanyang mapanalunan ang Bacolod International Derby noong dekada-80 gamit ang kanyang mga kakaibang-laban na mga Mitra 56 na linyada, si Baham ay matatag na pinagpatuloy ang ipinamana ng kanyang “Tatay” at matiyagang pinanatili at ipinagbuti ang mga lahi ng pambihirang manok-panabong na Mitra 56 sa kanyang farm sa Puerto Princesa, Palawan.
Hindi maikaila ang tuwa ng kampeon matapos maipanalo ang huling laban sa Fight No. 129 kalaban ang Oliver Trainor ni Nestor Vendivil na noon mayroon nang 3.5 puntos. Kung si Vendivil ang nagwagi, nagkaroon sana siya ng pagkakataon na maiuwi ang korona. Nang tanungin kung naniniwala siya na masayang nanood ang kanyang ama sa kanyang mga laban, sumagot si Baham ng, “sa palagay ko nga, eh, andito siya”. (MC)




Comments