top of page

Babala sa mga malakas maghilik

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 24, 2019
  • 3 min read

Dear Doc. Shane,

Mula nang makapag-asawa ako ay lumaki at bumigat nang husto ang aking katawan. Sa totoo lang, mayroon akong bisyo dahil malakas akong manigarilyo, marahil, sa impluwensiya ng kabar­kada at katrabaho ko. Gayunman, ang problema, napansin ni misis na kapag natutulog daw ako ay sobrang lakas ko raw humilik. Natatakot siya dahil madalas daw ay parang tumitigil ako sa aking paghinga. May nabasa akong article noon tungkol sa sleep apnea, gayunman, hindi ko na matandaan ang ilang detalye ngunit, palagay ko ay ito ang aking nararana­san. Maaari ba ninyong pakitalakay ang tungkol dito, mayroon bang lunas para rito? — Enrique

Sagot

Ang sleep apnea ay kon­disyon sa pagtulog na maa­aring maging malubha dahil ang paghinga ay paulit-ulit na tumitigil. Ang karaniwang sintomas ng sleep apnea ay ang malakas na paghilik. Ang udlot sa paghinga ay kara­niwang nagtatagal ng sampung segundo o higit pa. Kadalasan ay nagigising ang taong may sleep apnea dahil sa kahirapan sa paghinga.

  • Obstructive sleep apnea (OSA) — ito ay nara­ranasan kapag ang mga kalamnan sa likod ng lala­munan ay masyadong nagre-relax hanggang sa ito ay nag­tatakip na ng daanan ng hangin.

  • Central sleep apnea (CSA) — ito ay dulot ng iregularidad sa utak na may kaugnayan sa pagbibigay nito ng senyales sa paghinga.

  • Complex apnea — ito ay ang kombinasyon ng obstructive sleep apnea at central sleep apnea.

Anumang uri ng apnea, mahalagang makipag-ugna­yan sa doktor upang maiwa­san ang kumplikasyon ng sleep apnea tulad ng sakit sa puso.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng obstructive at central sleep apnea:

  • Labis na pagkaantok tuwing tag-araw (hypersomnia) na maaaring magdulot ng biglaang pagtulog habang nagtatrabaho.

  • Labis na lakas ng pag­hilik.

  • Kapansin-pansing pag­hinto sa paghinga habang natutulog.

  • Biglaang paggising sa gabi dahil sa kahirapang huminga.

  • Sore throat sa paggising.

  • Tuyong bibig sa pag­gising.

  • Sakit ng ulo sa pag­gising.

  • Kahirapan sa pagtulog (insomnia).

Ito ay puwedeng mag­dulot ng mga sumusunod:

  • Problema sa puso.

  • Labis na pagkapagod sa tag-araw.

  • Kumplikasyon sa medikasyon at operasyon

Ang ilan pang kum­plikasyon ng sleep apnea ay ang kahirapan sa pag-alala, sakit ng ulo, depression at gastroesophageal reflux disease.

Narito ang ilan sa mga paraan na maaaring gawin upang hindi ito lumala:

Obstructive sleep apnea

  • Continuous positive airway pressure (CPAP) — isang makinang tuluy-tuloy na nagbibigay ng hangin sa pasyente sa pamamagitan ng kanyang pagsuot ng oxygen mask habang natutulog.

  • Adjustable airway pressure devices — ito ay nagbibigay ng tuluy-tuloy na air pressure sa pasyente habang siya ay natutulog.

  • Pagsuot ng oral appliances — ito ay ginagamit para mapanatiling bukas ang lalamunan habang natu­tulog ang may sleep apnea.

  • Uvulopalatopharyn­goplasty (UPPP) — ito ay operasyon kung saan tina­tanggal ng doktor ang tisyu sa likod ng bibig at sa ibabaw ng lalamunan. Tinatanggal din ng doktor ang tonsils at ade­noids ng pasyente.

  • Tracheostomy — ito ang operasyong isasagawa ng doktor kapag malubha na ang kaso ng sleep apnea. Nilalagyan ng maninistis ang leeg ng pasyente nang buka­san kung saan ipinapasok niya ang tubong gawa sa metal o plastic. Dito hihinga ang pasyente. Tuwing araw, nakatakip ang tubong ito. Sa gabi, tinatanggal ng pasyente ang takip para pumasok ang hangin sa baga.

Central sleep apnea

  • Paggamot sa mga sakit na sanhi ng apnea — kapag problema sa puso ang sanhi ng apnea, ang paggamot ng sakit na iyon ay maaaring makatanggal ng sleep apnea.

  • Continuous positive airway pressure (CPAP) at adjustable airway devices — tulad ng obstructive sleep apnea, maaaring maka­tulong ang makinang ito sa pagtanggal ng malakas na paghilik at pagpigil ng sleep apnea.

Bukod sa operasyon at paggamit ng mga makina, maaaring mabawasan at tuluyang matanggal ang sleep apnea sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak at pagpa­panatili ng tamang timbang.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page