Seaman at kasamang babae, dinukot | 7 KIDNAPPERS, ARESTADO
- Janice Baricuatro
- May 23, 2019
- 2 min read

NADAKMA ang pitong miyembro ng kidnap-for-ransom matapos makatakas ang isa sa mga biktima at nakapagsumbong sa awtoridad kaya nagsagawa ng follow-up operation at nasukol ang mga suspek sa Bgy. Anabu 1D, Imus, Cavite.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Francisco Jarcia Lucena III, ang mga suspek na sina Floyd Ordoñez , 36; Arwin Varrios, 35; Allan Sundiam, 39; Mark Angel Andamon, 27; Princess Sarmiento, 23; Princess Joy Poras, 19, at Jackielou Bernal, 38.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga opisyal ng Bgy. Anabu 1D na may babae umano sa kanila na nag-report na kinidnap ito at ang isa pang kasama.
Magkasama ang mga biktimang sina Sherwin Allen Legaspi, 25, seaman at Patricia Dante, 19, nang bigla na lamang umano silang dikitan ng mga suspek at sapilitang isinama.
Dinala ang mga biktima sa safehouse sa Bgy. Anabu 1D, Imus at dito iginapos.
Kinausap ng mga suspek ang mga biktima at sinabing kailangan nila ng P40,000 kaya tinawagan ang magulang ni Sherwin upang hingin ang nasabing halaga.
Sinabihan din ito na huwag magsusumbong kahit kanino upang hindi saktan o patayin ang mga biktima.
Habang hinihintay ng mga suspek ang ransom money mula sa pamilya ng biktimang seaman, nakatulog umano ang mga ito kaya sinamantala ito ni Patricia at tumakbo palabas saka dumiretso sa barangay hall.
Tumawag sa pulisya ang mga barangay official at ikinasa ang operasyon.
Nagsanib-puwersa ang PCP3 at SWAT at lumusob sa safehouse ng mga suspek at dito nadatnan ang pitong lalaki na hindi na nakuha pang manlaban at naroon din ang biktimang seaman.
Narekober mula sa mga ito ang baril, magazine, mga bala, 8 sachets ng marijuana, 3 sachets ng shabu, water pipe at 9 cellphones.





Comments