PINTOPPLER TABORA, BALIK PORMA SA TBAM TOURNEY

PATULOY ang pagbabalik sa pangkampeonatong porma ng dating world cup winner na si Krizziah Lyn Tabora at ngayon ay unti-unti na siyang nagiging regular na laman ng winners’ circle ng iba’t-ibang paligsahan matapos ang kanyang halos kalahating taong medical leave sa larangang nagbigay sa bansa ng matinding karangalan. Ang 28-anyos na naging bowling icon matapos manggulat sa 2017 World Cup sa Hermosillo, Mexico ay namayani kamakailan sa Central Luzon Tenpin Bowling Alliance (CLTBA) National Open sa Mandaluyong. Bago rito, nahablot niya ang huling upuan sa podium ng bakbakan ng Tenpin Bowling Association of Makati (TBAM).
Ipagpapatuloy ng Pinay ang kanyang pagbabalik sa international bowling sa pamamagitan ng 21st Negros Open Bowling Tournament na uusok sa palaruan ng Lopue’s East Centre sa kahabaan ng Circumferential Road sa Bacolod City. Samantala, sinuspinde ng World Bowling ang mga pintopplers mula sa 13 lugar matapos ang paglahok ng mga ito sa isang paligsahan sa Hong Kong - - - ang 15th International Seniors Classic - - - na hindi sanctioned ng governing body ng bowling, ng Asian Bowling Federation at ng Hong Kong Tenpin Bowling Congress. Kabilang sa mga bansang ito ang United States, Singapore, New Zealand, Philippines, Malaysia, Korea, Indonesia, Guam, Germany, France, United Kingdom, China at Australia.
Nauna rito, nagbabala rin noong Pebrero ang Malaysian Tenpin Bowling Congress ng posibleng suspensiyon bago ginanap ang torneo samantala, ang Philippine Bowling Federation ay naglabas din ng pahayag pagkatapos ng sagupaan sa Chinese territory sa pamamagitan ng isang liham mula sa World Bowling.





Comments