200,000 boto hinihintay pa — Comelec | PROKLAMASYON, ‘DI NATULOY

HINDI natuloy ang inaasahang proklamasyon ng mga nanalong senador at partylist kahapon.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, ito ay dahil sa hindi pa naka-canvass na Certificate of Canvass (COC) mula sa Washington DC sa Estados Unidos.
Ani Jimenez, iaanunsiyo na lamang nila kung kailan idaraos ang proklamasyon ngunit, posibleng maisagawa aniya ito ngayong araw o bukas.
Mahalaga aniyang maisama ang naturang COC na may mahigit 200,000 voters, sa canvassing bago ang proklamasyon upang matiyak na wala nang paggalaw na magaganap sa rankings ng mga elected senator.
Tinatangka naman aniya nilang makipag-ugnayan sa Washington DC ngunit, ang naging problema ay hatinggabi pa sa Estados Unidos kaya hindi nila ito makontak.
Posible aniyang matanggap at mai-transmit ang naturang hinihintay na COC pagsapit ng alas-8:00 ng gabi ng Martes dito sa Pilipinas na agad isasalang sa canvassing ng National Board of Canvassers (NBOC).
Alas-10:25 ng umaga nang muling magsesyon ang NBOC at binilang ang mga boto mula sa Kingdom of Saudi Arabia.
Batay sa partial at official results ng Comelec, nananatili pa rin sa Magic 12 sina Cynthia Villar, Grace Poe, ‘Bong’ Go, Pia Cayetano, ‘Bato’ dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimental, ‘Bong’ Revilla at Nancy Binay, habang patuloy na humahabol sina JV Ejercito at Bam Aquino.
Sa partylist groups naman, matatag pa rin sa unang puwesto ang ACT-CIS na mahigit 1.5 milyong boto ang lamang sa mga sumusunod na grupo na Bayan Muna, Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsiyano, 1Pacman, Marino, Probinsiyano Ako, Señior Citizens at Magsasaka.





Comments