4 SCHOOLS, MAGTATAGISAN SA UNIVERSITY SCHOOLS AND COLLEGES
- A. Servinio
- May 21, 2019
- 1 min read

BILANG paghahanda para sa kanilang ika-siyam na taon, magdadaos ng torneong preseason ang Universities, Colleges and Schools Athletic Association (UCSAA) simula ngayong Mayo 25 (Sabado) sa AMA University Gym sa Quezon City simula 11:00 a.m.
Apat na paaralan ang magtatagisan kabilang ang Saint Dominic Savio College, First City Providential College at ang mga bagong pasok na AMA at World Citi Colleges.
Magbubunutan ang mga koponan sa araw mismo ng unang laro upang malaman kung sino ang kanilang magiging katunggali.
Ang torneo ay tatagal ng double round o anim na laro bawat isa at susundan agad ng knockout semifinals sa Hunyo 15 at championship sa Hunyo 16.
Karamihan ng mga laro ay gaganapin sa AMA. May nakatakdang laro sa First City sa City of San Jose del Monte, Bulacan, sa Mayo 29 at sa World Citi Gym sa Caloocan sa Hunyo 5.
Maagang napipisil na liyamado ang AMA Titans dahil sa mga manlalaro nilang mga beterano ng PBA D-League. Hindi magpapahuli ang SDSC Unicorns na isa sa mga haligi ng UCSAA sa unang walong taon nito.
Ang FCPC Royal Eagles ay isa sa mga umuusbong na koponan dahil umaakyat na sa Seniors ang mga manlalaro ng kanilang Juniors na dalawang taon na kampeon sa UCSAA.
Samantala, bumabalik ang WCC na may bagong palayaw na Skyhawks (dating Vikings) sa mga liga matapos ang ilang taon ng pagpapahinga ng kanilang programa.





Comments