Kauna-unahang insidente ng banggaan sa LRT-2, imbestigahan!

PAANO “nabuhay” ang “patay” na tren ng LRT-2? Ito ang tanong sa mga opisyal ng dalawang nagbanggaang tren ng LRT-2. Nakaparada raw ang “patay” na tren sa katabi nitong riles nang biglang umandar at sumalubong sa paparating na tren. Wala nang nagawa ang umaandar na tren kundi ang huminto at hintayin ang pagtama ng “nabuhay” na tren sa pagitan ng Anonas at Cubao Station. Ayon sa ulat, mahigit 30 ang nasaktan sa insidente. Mabuti na lang at walang namatay.
Ito ang kauna-unahang insidente ng banggaan sa LRT-2. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang nasabing insidente. Wala tayong sapat na ideya kung paano pinaaandar ang mga bagon ng LRT-2, pero ang hinala natin ay nang “mamatay” ang tren, malamang, hindi naibalik ang silinyador o kung anuman ang nagpapaandar sa bagon at nang magkaroon muli ng kuryente, umandar nang kusa ang tren kaya naman dalawang tren agad ang hindi muna magagamit ng publiko. Dapat mailabas agad ang resulta ng imbestigasyon upang hindi na ito maulit at malinawan ang mga pasahero na madalas gumagamit nito para na rin sa kanilang kaligtasan.
◘◘◘
Dismayado raw ang Canada sa utos ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Lopez Locsin, Jr. na pauwiin ang ambassador at consul generals ng Pilipinas. Ito ang naging kilos matapos lumipas ang deadline para bawiin ng Canada ang tone-toneladang basura na ipinadala sa bansa. Ayon sa tagapagsalita ng gobyerno ng Canada, ang dahilan kaya hindi pa matuloy ang pagbawi ng Canada ay dahil umano sa “red tape” o dahil sa mabagal na proseso ng gobyerno, pero anim na taon na ang isyung ito kaya hindi natin matatanggap ang kanilang dahilan. Sila na raw ang magbabayad sa pagbawi na posibleng d’yan pa magkaroon ng problema. Hindi kaya ayaw lang gumastos ng gobyerno dahil pribadong kumpanya naman ang nagpadala? Gayunman, problema na nila ito at hindi rin natin ginustong tapunan tayo ng basura.





Comments