IM’S DIMAKILING, PASCUA AT LAYLO NAKA-PODIUM SA M.E. AT ASYA

NAGPARAMDAM ng galing ang mga Pinoy woodpushers na sina Oliver Dimakiling, Haridas Pascua at Darwin Laylo sa pamamagitan ng paghablot ng upuan sa podium sa mga nilahukan nilang mga torneo sa Middle East at sa Asya.
Sa 24th Sharjah Ramadan International Chess Championships 2019-Blitz sa United Arab Emirates, nakipaghatawan si Dimakiling, isang International Master, kay Azerbaijan grandmaster Gadir Guseinov sa isang kapana-panabik na pagtatapos na nagresulta sa kapwa pagsusumite nila ng tig-wawalong puntos. Pero nakaungos si Guseinov sa Pinoy nang lapatan na ng tuntunin sa tiebreak. Si Iranian IM Sarasadat Khademalsharieh ang pumangatlo.
Kasama sa mga nakatikim ng bagsik ni Dimakiling sina GM Efstratios Grivas (Greece), IM Fouad El Taher (Egypt), IM Ibrahim Sultan (UAE), IM Sebbar Ali, Ahmed Gith (UAE), Rayjan Solano (Pilipinas) at Shakhnoza Sabirova (Uzbekistan). Nakahugot din ang Pinoy ng draw mula kina GM Guseinov at IM Khademalsharieh.
Sa kabila ng pagiging segunda lang, isang impresibong paligsahan ang nasaksihan mula kay Dimakiling dahil kasama sa mga 150 woodpushers na nagkainteres pero minalas sa podium ang anim na grandmasters at walong international masters.
Samantala, sa Asya naman nakuha ni IM Haridas Pascua ang trono ng Selangor Open sa Malaysia upang pangunahan ang isang 1-2 na pagtatapos ng mga Pinoy. Sumegunda sa kanya si GM Darwin Laylo. Nakakadalawang bridesmaid finish na si Laylo matapos itong pumangalawa sa SOE International Open Tournament sa Myanmar sa tulong ng 7.5 puntos kamakailan. Ganito rin ang produksyon ni Indian GM Venkataraman Karthik pero kinapos ang Pinoy sa tiebreak (52-55) kaya nakuha ng pambato ng India ang korona.





Comments