DEBUT GAME NI PARKS SA ELITE, PETMALU VS. BOLTS


NAGPAKITANG-GILAS agad si second overall pick Bobby Ray Parks Jr. upang akbayan ang Blackwater Elite sa 94-91 overtime win kontra Meralco Bolts kagabi sa 2019 Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.
Kumayod si Parks ng 20 points at walong rebounds upang ilista ang 1-0 karta at upuan ang top spot ng team standings.
Nagsplit ang free throws ni Parks may siyam na segundo na lang sa orasan upang hawakan ng Elite ang three-point lead sapat para makuha ang importanteng panalo.
May tsansa sanang mauwi sa double overtime subalit nagmintis ang tres ni Gani Lawal. Nakalamang ng limang puntos ang Bolts sa unang dalawang periods, 42-37, subalit naagaw ng Elite ang bandera sa third canto matapos ilista ang 27-21 bentahe para sa 64-63 iskor.
Bumakas si import Alexander Stepheson ng 21 points at 31 rebounds para sa Blackwater habang kumana si Mike Digregorio ng 21 markers kasama ang limang triples. Namuno sa opensa para sa Meralco si Lawal na inirehistro ang 34 markers at 21 boards. (ATD)





Comments