BEI hinarang, VCMs sinunog | SPECIAL ELECTION SA JONES, ISABELA
- Madel Moratillo
- May 20, 2019
- 1 min read

MAGSASAGAWA ng special election ang Commission on Elections (Comelec) sa Jones, Isabela ngayong araw, Mayo 20.
Ito ay makaraang hindi natuloy ang halalan doon noong Mayo 13 matapos sunugin ng mga armadong lalaki ang dalawang vote counting machines (VCMs).
Napagkasunduan ng mga miyembro ng Comelec en banc ang pagdaraos ng special election sa pulong na idinaos ng mga ito noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, idaraos ang espesyal na halalan sa Barangay Dicamay 1 na may 1,000 botante.
Paliwanag niya, hindi nabilang ang mga boto dahil sa naganap na pagsunog sa VCMs.
Nabatid na ang special election ay para sa local at national elections.
Una rito, hinarang ng mga suspek ang Board of Election Inspectors (BEI) na patungo sa munisipyo dala ang VCMs.
Pinababa ng sasakyan ang mga guro saka sinunog ang VCMs upang hindi mabilang ang mga boto na galing umano sa 11 polling precincts.
Naaresto naman ang mga suspek na nakilalang sina Jayzon Leano at Rodel Pascual na nasampahan na ng kaso.





Comments