UNTITLED MORTEL, MATIBAY PA SA UAE RAMADAN CHESS

PATULOY ang pananalasa ng untitled woodpusher na si Marlon Mortel ng Pilipinas matapos niyang daigin ang dalawang Grandmasters at hugutan ng kalahating puntos ang isang international master sa Zayed Ramadan Chess Tournament 2019 na pumasok na sa homestretch sa United Arab Emirates.
Biniktima ni Mortel sa round 6 si GM Dimitri Komarov ng Ukraine samantalang si Uzbek GM Sergey Kayumov ang nakatikim ng ratsada ng Pinoy noong pang-apat na round.
Si Komarov ay 3rd ranked dahil sa rating nitong 2502 samantalang si Kayumov, na may rating na 2405, ay pangalawa sa mga pre-tournament favorites.
Bukod sa dalawa, impresibo rin ang draw niya laban kay IM Kamel Njili ng Tunisia sa round 5. Ang Tunisian ay ranked no. 4 sa seedings.
Kasama rin sa mga nakatikim ng lupit ng Pinoy sina UAE bet Sanker Sultan (round 1), Pakistani Habib Khalid (round 2) at Emadaldin Abdelrahim ng Sudan (round 3).
Kasalukuyan nang may naipong lima at kalahating puntos si Mortel para makasosyo sa liderato si GM Viorel Iordachescu ng Republic of Moldova. Mula sa 2172 na rating, ang Pinoy chesser ay mayroon nang 2300 na performance rating.
Kung magpapatuloy ang tikas niya, maari pa itong umangat.
May naghihintay rin sa kanyang 45.0 FIDE rating points kung hindi magbabago ang kanyang kampanya sa paligsahan.
Naghahatian sa pangatlo hanggang panglimang baytang bitbit ang tig-lilimang puntos ang iba pang titled woodpushers na sina GM Kayumov, WGM Ava Suleimanova ng Ukraine at FIDE Master Omran Al Hosani para bigyang kasiyahan at pag-asa ang mga disipulo ng ahedres mula sa punong-abalang UAE.
Maghaharap sina Mortel at Iordachescu sa round 7 para pagdesisyunan kung patuloy pa nilang paghahatian ang paghawak sa trangko o magkakaroon na ng solong lider.





Comments