Paraan upang hindi lumala ang almoranas
- BULGAR

- May 19, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ilang linggo ko na ring pinoproblema ang hirap ko sa pagdumi. Noong nakaraang araw ay napansin kong may laman na nakausli sa aking puwit, ito ay namamaga at dumudugo, lalo na kapag dumudumi ako. Ito ba ay almoranas? Ano ang mga dapat kong gawin upang hindi ito mamaga at dumugo? — Myrna
Sagot Ang almoranas ay maaaring tumubo sa loob o sa labas. Sa dalawang uri nito, ang almoranas sa labas ng puwit ang pangkaraniwan at lubhang nakasasagabal sa mga gawain sa araw-araw. Gayunman, posible ring magkaroon ng almoranas ang mga buntis.
Narito ang mga sintomas ng almoranas: • matinding pangangati ng puwit • pagsusugat sa palibot ng puwit • pagkakaroon ng makati o masakit na bukol malapit sa puwit • masakit na pagdumi • paglabas ng kaunting dugo sa puwit Bagaman, ang almoranas ay napakasakit, hindi ito nakamamatay at kadalasang nawawala kahit hindi gamutin. Kapag palaging sinusumpong ng almoranas, posibleng magkaroon ka ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina at pamumutla ng balat dulot ng pagkawala ng dugo.
Narito ang mga sanhi nito: • sobrang pag-iri kapag nagbabawas • pagkakaroon ng pangmatagalang kahirapan sa pagdumi • pag-upo sa toilet nang matagal na oras • pagkakaroon ng mga kapamilyang may almoranas
Narito ang mga paraan upang hindi lumala ang sintomas ng almoranas: • Ibabad sa palangganang may maligamgam na tubig ang puwit sa loob ng 10 minuto upang mabawasan ang pagsakit nito. • Maaaring makabili ng mga suppository, ointment o cream para mawala ang sakit at pangangati. • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng gulay, prutas, mani, beans at iba pa. Ito ay maaaring makabawas sa panganib na magkaroon muli ng almoranas. Makatutulong ito upang malinis ang bituka, palalambutin din nito ang dumi ng pasyente kaya madali itong mailalabas. • Maaaring sumubok ng mga fiber supplement para matulungang lumambot ang dumi. • Kung lubhang naghihirap sa sakit na dulot nito, maaaring magpakonsulta sa doktor upang maresetahan ng kaukulang gamot. • Ugaliing uminom ng maraming tubig. • Huwag umiri nang matagal. Ang pag-iri habang pinipigil ang paghinga kapag nagbabawas ay bumabanat sa mga ugat na nasa puwit. • Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay makatutulong upang mabawasan ang timbang na maaaring dahilan ng almoranas. • Iwasan ang pag-upo nang matagal. Ang pag-upo ng matagal, lalo na sa kubeta ay magpapataas ng presyon sa mga ugat sa palibot ng puwit. Gayunman, kapag nakararamdam ng pagdumi, pumunta agad sa toilet. Kung maghihintay pa hanggang sa mawala na ang pakiramdam ng pagdumi, ang dumi ay magiging matigas at tuyo kung saan ito ang dahilan kaya mahirap na itong mailabas.





Comments