Mag-ama dedo sa swimming

KAPWA patay ang mag-ama matapos malunod habang naliligo sa Pinacanauan River sa Cabagan, Isabela, Sabado ng tanghali.
Kinilala ang mga nasawi na sina Loreto Salas, Jr., 48, at kanyang 13-anyos na babaeng anak na si Mia Marloleth, kapwa residente ng Santo Tomas. Batay sa report, kasama ang mag-amang Salas sa outing ng mga kaanak at kaibigan para maligo sa ilog ng Angancasillian at mag-picnic na rin sa lugar.
Gayunman, hindi na napansin ang paglangoy ni Mia sa may kalalimang bahagi ng ilog at tuluyang hinila ito pailalim ng tubig bunsod ng malakas na daloy ng agos.
Agad umanong sumaklolo ang ama sa nalulunod na anak subalit, maging siya ay nalunod na rin.
Narekober na lamang ng ilang mangingisdang tumulong sa paghahanap sa mag-ama malapit sa lugar kung saan sila unang tinangay ng tubig.
Sinubukan pang dalhin ang mag-ama sa Milagros Albano District Hospital subalit, dead-on- arrival na ang mga Ito.





Comments