top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

LADY EAGLES, CHAMP; TIGRESSES, NABIGO

Writer: BULGAR
BULGAR
May 19, 2019
1 min read

NAIBALIK ng Ateneo de Manila University ang women’s volleyball crown sa Katipunan pagkaraang walisin ang University of Santo Tomas, 25-17, 25-22, 25-22, kahapon sa Game 3 ng kanilang finals series sa UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay.

Sinamantala ng Lady Eagles ang naging erratic na laro ng Tigresses upang makumpleto ang pagwalis sa huling dalawang laro ng series makaraang mabigo sa opener sa loob din ng straight sets. Ang titulo ang ikatlo ng Ateneo sa liga at una sa nagdaang apat na taon gayundin, para kay coach Oliver Almadro bilang women’s coach.

Lutang na lutang ang bentahe nina graduating middle blockers Bea De Leon at Maddie Madayag na bahagi ng nagkampeong Lady Eagles squad noong 2016.

Katulong ang beteranang hitter na si Kat Tolentino, pinangunahan ng tatlo ang panalo ng Ateneo.

First set pa lang ay namigay na ng 23 puntos mula sa kanilang errors ang Tigresses. Gayunman, hindi pa rin basta-basta isinuko ng Tigresses, partikular nina Sisi Rondina, Eya Laure, Alina Bicar at Dimdim Pacres, ang laban.

Nagtala ng 15 puntos si Tolentino kasunod si Madayag na may 10 puntos habang may tig-6 na puntos sina De leon at ang pumalo ng game clinching hit na si Jules Samonte para sa Ateneo.

Tumapos namang may 18 puntos ang Season MVP na si Rondina habang may 10 puntos si Laure para sa Tigresses na nabigong maputol ang kanilang 9 year title drought. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page